Vaccine pass sa mga establisimyento, hindi uubra!
ni Ryan Sison - @Boses | May 16, 2021
Upang mahikayat magpabakuna kontra COVID-19 ang taumbayan, kani-kanyang diskarte ang nasyonal at mga lokal na pamahalaan, gayundin ang ilang private sector.
Kabilang na nga rito ang pagsusulong ng pribadong sektor sa paggamit ng vaccine pass para makapasok sa “indoor establishments” tulad ng mga restoran.
Gayunman, agad na tumutol ang ilang grupo, maging ang ilang opisyal sa panukalang ito.
Paliwanag ng isang grupo, magdudulot ito ng diskriminasyon sa mga taong walang access sa bakuna at sa halip na ipatupad ito, dapat umanong ibalik ang tuon sa responsibilidad ng pamahalaan na magbigay ng bakuna.
Sa panig naman ng mga opisyal, sinabi ni Metro Manila Council chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na kulang pa ang suplay ngayon para obligahin ang mga customer na magkaroon ng vaccine pass. Dahil dito, mas mabuti aniyang bigyan na lang muna ng incentive ang mga nabakunahan kaysa sa magpatupad ng vaccine pass. Sang-ayon naman dito si DTI Secretary Ramon Lopez at sinabing bigyan na lamang ng discount ang mga nagpabakuna.
Samantala, hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang vaccine pass. Paliwanag ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang sapat na ebidensiya na ang mga nakakumpleto ng COVID-19 vaccine doses ay hindi natatamaan ng sakit o makakahawa nito.
Sa ngayon, tinitiyak lang ng mga bakuna na maiiwasan ang malalang kaso ng sakit na nauwi sa hospitalisasyon o pagkamatay.
Kung hindi uubrang magpatupad ng vaccine pass, mabuting magpokus muna tayo sa ibang paraan para mahikayat ang taumbayan na magpabakuna.
Paigtingin pa ang mga information drive tungkol sa bakuna dahil mahalagang maunawaan ng publiko ang kahalagahan nito upang makaiwas sa malalang epekto ng virus.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, isip-isip pa ng paraan upang tumaas ang kumpiyansa ng taumbayan sa bakuna dahil ito ang isa sa malalaking hamon sa gobyerno ngayon.
Isa pa, hangad nating mas mapabilis pa ang rollout ng bakuna nang sa gayun ay mas maraming Pilipino ang maturukan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments