top of page
Search

Uuwing OFWs mula sa Lebanon, tiyaking masusuportahan

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | August 21, 2024



Boses by Ryan Sison

Sa kabila ng labanan sa pagitan ng Hezbollah at Israeli forces, atubiling umalis ang ilang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon. 


Batay sa isang mambabatas at opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), humigit-kumulang 1,000 Pinoy na unang nag-sign up para sa repatriation mula sa Lebanon na karamihan sa kanila ang hindi pa nakakapagkumpirmang handa nang bumalik sa Pilipinas.


Sinabi ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nasa 738 ang nag-signify na gusto na nilang umuwi, pero ilan sa kanila ay nagbago na ng isip. Aniya, tila nag-aalala ang mga ito na pagdating nila sa bansa ay ano ang kanilang gagawin.


Sa pahayag naman ng OFW Partylist, worried ang ilang OFW sa kanilang kabuhayan sakaling piliin nilang ituloy ang voluntary repatriation.


Ayon kay OFW Partylist Rep. Marissa Magsino, marami silang natatanggap na mga email, mga text at message sa social media na nagsasabi na kapag umuwi sila ay anong gagawin nila samantalang nabubuhay sila para sa kanilang pamilya. 


Kaya naman hinimok ni Magsino ang mga OFWs sa Lebanon na habang mayroon pang bukas na airports ay lumikas na ang mga ito dahil ayaw nilang kahit isang buhay ang mabuwis. Aniya, may livelihood assistance din na ibibigay na pandagdag sa mga ahensya.


Ang Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA ay dinagdagan na ang tulong pinansyal para sa mga OFW na pinauwi mula Lebanon. 


Tiniyak naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang dalawang ahensyang ito ng gobyerno ay may sapat na pondo sakaling ang lahat ng 1,000 Pinoy, na unang nag-sign up para sa repatriation mula sa Lebanon, ay magtuloy na bumalik sa ‘Pinas.

Plano rin ng DMW at OWWA na dagdagan ang kanilang teams sa Lebanon para mag-assist sa mga Pilipino roon. 


Gayundin, ang Philippine Embassy sa Lebanon ay naghahanda rin ng mga evacuation route sakaling umabot sa Alert Level 4 o mandatory repatriation ang sitwasyon. 

Siniguro rin ni Ignacio na ang OWWA, ang DMW, at ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay  handang-handa para sa mga OFW sa Lebanon at kanilang pamilya. Diin pa niya, hindi ito ang unang beses na hinaharap nila ang ganitong mga krisis.


Samantala, ang mga ahensya sa bansa ay nag-aalok naman ng onsite, repatriation, at arrival assistance para sa mga returning Filipino.


Mabuti naman ang layunin ng kinauukulan na i-repatriate na ang ating mga kababayang nasa Lebanon dahil posibleng lumala ang tensyon sa pagitan ang Hezbollah at Israeli forces.


Kaya lang labis na nag-aalala ang mga OFW dala marahil na iniisip nila kung paano ang kanilang trabaho at magiging buhay sakaling bumalik na sila sa bansa.


Maaaring ang katwiran naman ng iba sa kanila ay nandoon na ang kanilang pamilya, mga kaibigan at ibang kamag-anak habang naroroon din ang kanilang hanapbuhay.


Subalit, kung ang ating gobyerno ay matitiyak ang full support at tulong sa ating mga kababayang OFW sa Lebanon at masisigurong may naghihintay na kabuhayan at trabaho para sa kanila, hindi maglalaon ay magpupursige na rin ang mga itong umuwi na sa ‘Pinas.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page