Utos sa Kyusi... Bar, karaoke, spa, 12 midnight lang

ni Mervin Reyes @News | November 17, 2026

Photo: File
Ipinag-utos ng Quezon City government ang pagsasara pagsapit ng hatinggabi ng mga bar, karaoke venue, spa at iba pang establisimyento sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa 49th ASEAN Summit.
Ipapatupad ang mandatory midnight cutoff mula Nobyembre 15 hanggang 21 sa ilalim ng Executive Order No. 42 na nilagdaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Saklaw ng kautusan ang mga establisimyentong kabilang sa SAFE SEAL Ordinance ng lungsod, gaya ng mga bar, karaoke venue, massage parlor, spa at internet café.
Hindi naman saklaw ng limitasyon ang mga hotel, resort, apartelle, tourist inn, motel, pension house, homestay at condominium pagdating sa kanilang accommodation services.
Exempted din sa kautusan ang mga 24-hour fast-food chain at convenience store.
Inaatasan din ang mga saklaw na negosyo na sumunod sa CCTV ordinance ng lungsod, na nag-aatas sa paglalagay at pagpapanatili ng surveillance system at pag-iingat ng mga CCTV recording nang hindi bababa sa isang taon.
Pangangasiwaan ng Business Permits and Licensing Department ang pagpapatupad ng kautusan, katuwang ang Department of Public Order and Security at Quezon City Police District.





Comments