Riding-in-tandem, strikes again... Mag-asawa, menor-de-edad na anak niratrat, todas

by Jeff Tumbado @News | November 17, 2026

Photo: Circulated
Isang pamilya na kinabibilangan ng tatlong indibidwal ang nasawi makaraan silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin habang lulan sa kolong-kolong sa Sitio Dagupan, Brgy. Calagbangan, Sipocot, Camarines Sur nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 16.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, unang rumesponde sa lugar ang 46-anyos na barangay tanod na si alyas Elias matapos makatanggap ng ulat hinggil sa isang umano'y vehicular accident.
Gayunman, pagdating sa pinangyarihan, nadiskubre nito ang wala nang buhay na mag-asawa na sina alyas Isko at Iping, na kapwa may tama ng mga bala sa kanilang katawan.
Samantala, sinubukan pang isugod sa ospital ang anak nilang menor-de-edad na lalaki, subalit idineklara itong dead-on- arrival.
Ayon sa pulisya, alas-11:45 ng umaga nang mangyari ang pamamaril ng riding-in-tandem.
Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala, isang slug at isang misfired bullet mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Patuloy ang imbestigasyon at manhunt operation ng Sipocot Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek.





Comments