top of page
Ellen Adarna - IG.jpg

Utos ni PBBM — Castro... Bato, hulihin sa lahat ng paraan

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | October 25, 2026



Ronald Bato Dela Rosa - FB

Photo: Ronald Bato Dela Rosa - FB



Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas mabilis at agresibong pagkilos ng mga pulis upang maaresto si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano'y pagkakasangkot nito sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Sabado, Oktubre 24, walang dapat sayanging oras ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas at pag-aresto sa senador.


“Mas mabilis at agresibong pagkilos ng mga pulis — 'yan ang utos ng Pangulo. Ipatupad ang batas at hulihin ang dapat na hulihin,” pahayag ni Castro.


Tiniyak din niyang suportado ni Marcos ang mga hakbang ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maaresto si Dela Rosa.


Kasunod ito ng pag-aanunsyo ng ng P50 milyong pabuya para sa impormasyong magreresulta sa pagkakaaresto sa senador.


Idineklara rin ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla si Dela Rosa bilang “most wanted person” sa bansa at itinuring na “armed and dangerous.”


Binigyan naman ng Philippine National Police (PNP) ang senador ng isang linggo upang kusang sumuko sa mga awtoridad.


Kaugnay nito, binatikos din ni Castro ang mga indibidwal na umano'y tumulong upang makatakas si Dela Rosa mula sa gusali ng Senado.


Ayon sa opisyal, maaaring naiwasan ang kasalukuyang sitwasyon kung hindi tinulungan ang senador na makaiwas sa mga awtoridad.


“Kung walang nagplanong magpaangkas o magpasakay ng libre sa pagtakas ni Sen. Bato mula sa gusali ng Senado at isinuko na lang sana siya kay Sen. Jonvic ay hindi ito hahantong sa ganitong paglalagay ng PHP50 million bounty sa paghuli kay Sen. Bato,” ani Castro.


Nanawagan din si Castro sa kampo ni Dela Rosa na huwag nang magmatigas at makipagtulungan upang maiwasan ang posibleng madugong komprontasyon.


“Walang dapat mamatay sa pagganap sa tungkulin ng mga pulis para maaresto si Sen. Bato, kaya huwag na silang magmatigas dahil hindi aatras ang kapulisan natin,” diin niya.

Samantala, nanawagan ang Senate minority bloc sa administrasyon na makipagdayalogo sa kampo at mga abogado ni Dela Rosa upang makahanap ng mapayapang resolusyon.


Iginiit ng grupo na dapat igalang ang karapatan ng senador sa due process at mabigyan siya ng pagkakataong sagutin ang mga paratang laban sa kanya sa mga korte sa Pilipinas.


Hinimok din ng mga senador ang lahat ng panig na pairalin ang pagpipigil at iwasan ang anumang hakbang na maaaring humantong sa karahasan.


Sa kabila nito, muling binigyang-diin ni Castro na determinado ang administrasyon na ipatupad ang batas at tiyaking mahaharap sa proseso ng hustisya si Dela Rosa.


“Tumatakbo ang bawat minuto, dapat mas mabilis na pagkilos. Suportado ng Pangulo ang hakbang ng DILG, DOJ at mga law enforcer,” dagdag niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page