top of page
Brenda Mage - FB.jpg

Utos ng ERC sa Meralco: P1.98 bilyon ibalik sa konsyumer

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
1 min read

by Jeff Tumbado @News | November 28, 2026



Utos ng ERC sa Meralco: P1.98 bilyon ibalik sa konsyumer

Photo: File



Makakatanggap ng kabuuang P1.987 bilyong refund ang mga kostumer ng Manila Electric Co. (Meralco) matapos ipawalambisa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ilang gastusin para sa pensiyon at benepisyo ng mga empleyado na isinama ng power distributor sa singil nito.


Sa pahayag nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng ERC na ipatutupad ng Meralco ang refund sa susunod na billing cycle, katumbas ng average na P0.1536 kada kilowatt-hour (kWh).


Mas mataas naman ang matatanggap na refund ng mga residential consumer na aabot sa P0.2611 kada kWh.


Nangangahulugan ito na ang mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay makatatanggap ng bawas na humigit-kumulang P52 sa kanilang buwanang bill, o kabuuang P157 sa loob ng tatlong buwang refund period na iniutos ng komisyon.


Ilalagay ang refund bilang hiwalay na item sa kanilang singil sa kuryente upang malinaw na makita ng mga kostumer ang ibinalik na halaga.


Ayon kay ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan, napapanahon ang pagbibigay ng refund dahil nahaharap na ang mga kostumer ng Meralco sa pagtaas ng generation charges dulot ng mas mataas na presyo ng langis, paghina ng halaga ng piso kontra dolyar, at limitadong pagitan ng suplay at demand ng kuryente sa grid.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page