Utol, nanghingi ng tulong sa Marcos family… BIDA NG ENTRY NG ‘PINAS SA OSCARS, 50-50, TINUBUHAN

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 26, 2026

Photo: IG _jorrybell
Sana ay mapansin ng Marcos family ang panawagan ng kapatid ng aktres na si Jorrybell Agoto, taga-Sarrat, Ilocos Norte, na kasalukuyang nasa ospital at nakikipaglaban para sa kanyang buhay.
Si Jorrybell ang bida sa pelikulang Filipiñana, ang official entry ng Pilipinas sa Oscars na gaganapin sa Marso 2027 sa Los Angeles, USA.
Ang kapatid ng aktres ay si Jed Agoto, na nanawagan kina President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM), Sen. Imee Marcos (kapwa kolumnista rito sa BULGAR) at Cong. Sandro Marcos ng tulong dahil matagal nang nasa ospital si Jorrybell dahil sa lymphoma, isang uri ng blood cancer.
Post ni Jed sa kanyang Facebook (FB) account, “Kumakatok po ako sa puso ninyong lahat, at nagbabakasakali rin na makarating ang post na ‘to sa mga kababayan at leaders namin sa Sarrat, Ilocos Norte, kina President Bongbong Marcos (PBBM), Sen. Imee Marcos, at Cong. Sandro Marcos.
“Sir PBBM, Ma’am Imee, at Cong. Sandro, kapwa anak po ng Sarrat ang kapatid ko. Sobrang proud kami sa kanya kasi s’ya ‘yung bida sa Filipiñana, ‘yung official entry ng Pilipinas para sa Oscars next year. Dinala n’ya ‘yung pangalan ng bansa at ng bayan natin sa world stage, pero ngayon, s’ya naman ‘yung lumalaban para sa sarili n’yang buhay.
“Nasa Critical Care Unit ng St. Luke’s Medical Center si Ate (Jorrybell) ngayon dahil sa lymphoma (cancer). Sobrang bigat ng past few days para sa ‘min kasi ibinalik s’ya sa CCU for closer monitoring.
“Sobrang bumagsak ‘yung blood pressure n’ya, tapos pumapalo ng 170 ‘yung heart rate n’ya. Sobrang sakit sa puso bilang kapatid na marinig s’yang sumisigaw na lang dahil sa tindi ng pain na nararamdaman n’ya.
“Nakitaan din ng tubig ‘yung left at right lungs n’ya, kaya inoperahan s’ya para lagyan ng bilateral Blake drain sa parehong baga para lang mailabas ‘yung tubig at makahinga siya.
“May nakita ring tatlong tumor sa left lung n’ya. Dahil sobrang sensitive na ng katawan n’ya sa pain dahil sa cancer, nag-decide na ‘yung doctors na i-intubate s’ya para kahit papaano, makapagpahinga ‘yung katawan n’ya.
“Bilang kapatid, ang hirap-hirap panoorin na ganito ‘yung sitwasyon n’ya. S’ya ang breadwinner namin at senior citizen na rin ang magulang namin. Nahihirapan na po kami sa araw-araw na running bill sa CCU, procedures, at mga gamot.
“Kaya nakikiusap po talaga ako kina PBBM, Sen. Imee, at Cong. Sandro, at sa lahat ng makakabasa nito. Sana mapansin n’yo po kami. Gusto pa naming bigyan si ate ng chance na lumaban at gumaling.
“Sa mga gustong mag-abot ng tulong, kahit magkano po ay sobrang laking bagay na para sa medical bills n’ya. Puwede po kayong mag-send dito:
GoTyme Bank
Account Name: Jorrybell Agoto
Account Number: 0168 5441 5972
GCash
Account Name: Jorrybell Agoto
Account Number: 09458567894.
“Kung wala man po kayong extra (pera) ngayon, sobrang laking tulong na kung mapa-SHARE n’yo ang post na ‘to at mapa-TAG sa comment section ‘yung pages nina PBBM, Sen. Imee Marcos, at Cong. Sandro Marcos para makarating sa kanila. Please include ate in your prayers din po.
“Maraming salamat po sa inyong lahat. Si Lord na po ang bahalang magbalik ng kabutihan n’yo. Laban lang tayo, ate! (heart & pray emoji).”
BOSES ni Bianca Umali ang ginamit sa animated film na Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko (Ella Arcangel: Ballad of Tooth and Claw), na opening film sa ika-14 na QCinema International Film Festival.
Ayon sa aktres, isang pangarap na natupad para sa lahat ng nasa likod ng proyekto ang mapasama sa naturang film festival.
“Isang panaginip lang po na malaman natin talaga na kami po ay magiging isang opisyal na kalahok ng festival,” bungad ng aktres sa launch ng CineAuteurs, QCinema 2026, na ginanap sa Max’s Restaurant nitong Oktubre 22.
Itinuturing ni Bianca, na nagbigay-boses sa pangunahing tauhan sa animated film ng GMA Pictures, na isang karangalan ang mapabilang sa mga nagdiriwang ng pelikulang Pilipino.
“Isang karangalan po ang mapabilang sa ganitong festival at makasama ang mga tao para po sa sining at pelikula ng minamahal nating bansa,” sambit ng dalaga.
Ipinahiram ng Kapuso star ang kanyang boses kay Ella, isang 12-anyos na Pilipina na ang kagustuhang makatulong sa kanyang komunidad ang nag-uudyok sa kanyang mga kilos. Para sa aktres, dala rin ng karakter ang isang mensahe tungkol sa kabayanihan na higit pa sa pisikal na lakas o sa mga nakasanayang pamantayan ng kagandahan.
Inilarawan ni Bianca si Ella bilang isang batang morena, may magulo at hindi maayos na buhok, at pango, na binibigyang-diin na ang kanyang pinakamalaking kalakasan ay ang mabuting puso at malasakit sa kanyang komunidad.
Ayon sa aktres, ipinapakita sa pelikula sa pamamagitan ni Ella kung paano maaaring maging bayani ang mga ordinaryong Pilipino.
“‘Di natin kailangang maging matangkad, maganda, o malakas para maging mga superhero sa sarili nating paraan,” sabi pa niya.
Ngunit naghahain din ang kuwento ng isang mas mahirap na tanong, ayon kay Bianca, “Sino nga ba ang mga tunay na halimaw?”
Sa direksiyon ni Mervin Malonzo, hango ang Ella Arcangel sa komiks na isinulat ni Julius Villanueva. Tungkol ito sa isang batang mambabarang na nakikipaglaban sa masasamang espiritu habang humaharap sa karahasan at pang-aabuso sa kapangyarihan sa kanyang komunidad, sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga.
Tumanggap ang pelikula ng P1.5-milyong QCinema Project Market Philippines Co-Production Grant noong 2023. Kalahok din ito sa kategoryang ‘Asian Next Wave’ ng nasabing pagdiriwang.





Comments