Hindi pa raw puwede ngayon… COCO, KINUMPIRMANG ‘DI BUNTIS SI JULIA

ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 26, 2026

Photo: IG _montesjulia08
Hindi buntis at hindi pa raw puwedeng magbuntis ngayon si Julia Montes.
Ito ang kinumpirma sa amin ng bida ng Sigabo at Mang Inasal endorser na si Coco Martin nang makapanayam namin kahapon sa mediacon para sa Ihaw Fest 2026 ng sikat na Filipino fast food chain, kung saan present din ang president na si Sir Mike Castro.
Naikuwento kasi ni Coco na bago siya nagpunta sa medicon ay nag-briefing muna siya at nabasa ni Julia na puro tungkol sa Mang Inasal siyempre ang mga tanong.
Dahil dito, nag-crave raw ang pinakamamahal ni Coco na si Julia at naglambing na uwian siya ng Mang Inasal chicken at barbecue.
Kaya naman, kinantiyawan namin si Coco na baka naglilihi si Julia, pero natawa lang ang napaka-charming at parang hindi tumatandang aktor sabay sabing hindi puwedeng mabuntis si Julia dahil ginagawa pa nila ang Sigabo na kasalukuyan pa ring napapanood sa lahat ng Kapamilya platforms, YouTube channel at maging sa TV5.
Samantala, sobrang happy at thankful si Coco sa tiwala at magandang partnership nila ng Mang Inasal kung saan 10 yrs. na siyang endorser.
Ang magagandang Filipino values na parehong pinaniniwalaan nila ang nagbubuklod sa kanila para patuloy na maging partners sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa mga Pinoy.
Todo-work kahit nakaburol ang padir…
KELVIN, AMINADONG BIPOLAR
WALANG naging problema si Direk Neil “Buboy” Tan sa bida niya sa pelikulang Sa Tamang Oras at Panahon (STOP) na si Kelvin Miranda habang ginagawa nila ang pelikula.
Puring-puri ni Direk Buboy ang pagiging professional ni Kelvin na nakaburol pa pala ang tatay nu’ng time na nagsu-shoot sila sa Cabanatuan.
Kahit nagdadalamhati, ‘pag eksena na raw ay in character na si Kelvin na ang role ay mahirap na atleta na ginamit ang kahirapan bilang motivation para maabot ang kanyang mga pangarap.
Naging advantage pa nga raw kay Kelvin na may pinagdaraanan ito that time sa ama habang nagsu-shoot sila dahil sa istorya ay namatay din ang tatay nitong ginagampanan ni Julio Diaz. Kaya sabi ni Direk Neil, ang lalim talaga ng naging hugot ni Kelvin sa movie na ‘to.
Pinatunayan din ni Direk Neil na kung dati, nasasabihan si Kelvin sa mga unang projects niya na “wooden acting” ang ipinakita, this time ay passionate raw talaga ang Kapuso actor, naka-focus sa kanyang karakter at nagsa-suggest din kapag may naiisip itong maganda para sa kanyang karakter.
“Focused talaga siya. Ako na nga sumusuko minsan. Ano ba ‘to, hindi pa ako makapag-shoot kasi inaaral niya muna, nire-revise pa nga niya ‘yung script. Pero with my consent naman. Aba, first time kong nakahawak ng ganu’ng artista,” kuwento ni Direk Buboy nang makausap namin bago ang advance screening ng STOP sa Fishermall Cinema last Thursday, Oct. 22.
Nabanggit din ni Direk Buboy na “bipolar” daw si Kelvin kaya kung nakikita man nilang masaya sa set, maya-maya ay parang nag-iisa na lang ito. Aminado naman daw du’n si Kelvin, kaya biniro nga namin si Direk Buboy na hindi naman siguro magdedemanda ang alaga ni Tyronne Escalante ‘pag isinulat namin ito.
Anyway, tungkol naman kay Angel Guardian na leading lady sa STOP, sabi ni Direk Buboy, “Ay, nagulat nga ako. Actually, hindi ko kilalang may Angel Guardian palang pangalan. Akala ko, gawa-gawa lang ang apelyido, ‘yun pala totoong pangalan. Napakagaling din ng batang ‘yun, grabe.”
Classmate-best friend ni Kelvin ang role ni Angel at siya ang magmo-motivate sa athlete friend na i-pursue ang pangarap nito.
Advocacy film ang Sa Tamang Oras at Panahon na ang layunin ay maabot ang mga estudyanteng Pilipino sa pamamagitan ng mga espesyal na pagpapalabas sa mga paaralan na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng katapatan, integridad, responsableng pagpapasya, at paggalang sa kapwa.
Inspired by the Project WATCH (We Advocate Time Consciousness and Honesty) na flagship program ng JCI Senate of the Philippines, mapupunta sa Project WATCH’s The Outstanding WATCH Schools o TOWS ang lahat ng kikitain ng pelikukang ito, bilang sila ang napiling beneficiary. Taun-taon itong ginagawa sa mga public and private schools sa buong Pilipinas.
Nakikipagtulungan din ang Department of Education sa programang ito kaya naman mas pinalakas nila ang naturang programa.
Bukod kina Kelvin Miranda at Angel Guardian, kasama rin sina James Blanco, Ron Angeles, Julio Diaz, sikat na content creator na si Bernie Batin, at iba pa.
Mula naman ito sa produksiyon ng Jem Talent Central ni Jojo Matias na National Chairman ng JCI Senate of the Philippines at No. 1 councilor ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
SPEAKING of advocacy film, nagsimula na rin ang shooting ng pelikulang Anak, Narito ang Ang Iyong Ina, Ina, Narito ang Iyong Anak na pinagbibidahan ni Maria Rosa (Rufina Villena Gelston) na tinaguriang “Noble Queen” at gaganap sa papel na Susan.
Kasama rin sa pelikula at nagsimula na ring mag-shooting sina Jake Vargas, Mercedes Cabral, Allan Paule at ang nagbabalik sa independent cinema na si Katherine Luna.
Ito ang kauna-unahang pasabog at pinakaaabangang proyekto sa tatlong sunud-sunod na pelikulang naka-line-up ngayon para kay Maria Rosa at sa Inding Indie Film Festival.
Sa direksiyon nina Andrei Bagos, Shirly Favis at Ryan M. Favis, ang pelikulang ito ay panawagan at adbokasiya para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga magulang na sapilitang nahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Bukod dito, itatampok din sa kuwento ang marangal na karapatan at sakripisyo ng mga marginalized na sektor gaya ng mga janitor, security guard, street vendor, tricycle driver, at mga Persons with Disabilities (PWDs).
Ibinuhos ng buong produksiyon ang kanilang husay upang matiyak na madarama ng manonood ang tunay na bigat ng emosyon at katotohanan sa likod ng mga migranteng manggagawa.
Ayon sa pamunuan, layunin ng pelikula na pumukaw ng pambansang atensiyon at aksiyon mula sa pamahalaan upang masagip ang kapakanan ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Bahagi rin ng tagumpay ng pelikulang ito ang sining ni Ron Sapinoso, katuwang ang pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng Inding Indie Film Festival kung saan tampok ang kanyang natatanging art exhibition. Ang bawat obra ni Sapinoso na maibebenta ay magsisilbing "binhi ng pag-asa" para sa pagpapatayo ng sambahan at pabahay para sa komunidad.
Umani rin ang proyekto ng malawak na suporta mula sa iba't ibang sektor, kabilang sina Ms. Rosarie Ledesma, Hon. Chinggay Bilaos ng Barangay Bagong Pag-Asa, Quezon City, Ms. Sinclaire Castro, at marami pang iba katuwang ang Startup Agency ng Cabuyao, Laguna.





Comments