top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Utak sa pekeng Fb page na Malasakit Center Loan, tugisin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 12, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 12, 2024


Babala sa publiko na maging maingat laban sa mapanlinlang na Facebook page na nagpapakilalang loan center ng Malasakit Program Office.


Sa pahayag ng Department of Health (DOH), sinabi nito na ang naturang online page ay peke at hindi affiliated sa anumang paraan o anyo ng Malasakit Center.


Mariin ding itinanggi ng DOH na may kaugnayan sa Malasakit program ang pag-aalok ng naturang loan sa mga pasyente.


Napag-alaman na halos kagagawa pa lang umano ng sinasabing “Malasakit Center Loan Assistance” page sa FB at mayroon nang 1,100 followers. 


Ayon sa ahensya, ginamit ng creators nito ang logo ng Malasakit Center at ang larawan ng Malasakit Center na nasa Cagayan Valley Medical Center ang ginawang cover photo ng mga scammer.


Batay pa sa DOH, sa isa nitong post ay nag-aalok ang naturang page ng hanggang P30,000 loan para sa mabilisang paraan habang may 1 percent interest rate lamang.


Nagbanta naman ang kagawaran na mahaharap sa criminal charges ang mga indibidwal na nasa likod ng pekeng FB page at kung magpapatuloy pa sa naturang ilegal na gawain.


Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop sa mga ospital ng gobyerno para sa mas mabilis na access sa medical at financial assistance para sa mga mahihirap at financially incapacitated na mga pasyente.


Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang publiko na kumuha lamang ng mga impormasyon mula sa mga lehitimong source at platforms gaya ng health department.

Ayaw talaga paawat ng mga scammer na kahit na mga kababayan nating mahihirap na may sakit ay kanilang papatulan basta lang magkapera.


Nakakapanginig ng laman dahil nawawalan na sila ng konsensya at nagagawa nilang lokohin ang mga gipit na mga ka-pamilya ng mga pasyente habang gagamitin pa ang kagawaran ng kalusugan sa kanilang masamang gawain.


Sana lang, matukoy na ng kinauukulan ang utak sa pekeng online page ng loan center na ‘yan at agad na ikulong at patawan ng mabigat na parusa dahil talagang perhuwisyo ang dulot nila sa lipunan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page