Utak ng misis, mala-spaghetti raw… OYO, PROUD NA SI KRISTINE ANG UNANG NAGSO-SORRY SA KANYA

ni Beth Gelena @Bulgary | October 26, 2026

Photo: IG _osotto
Ibinulgar ni Oyo Sotto na ang misis niyang si Kristine Hermosa ang kadalasang unang humihingi ng tawad pagkatapos ng kanilang mga pagtatalo, bagay na ikinantiyaw sa kanya ng inang si Dina Bonnevie.
Sa isang kuwentuhan sa House of D na mapapanood sa YouTube (YT), inamin ni Oyo na mataas ang kanyang pride at mas madalas na si Kristine ang unang gumagawa ng paraan para magkaayos sila.
Nang tanungin kung sino ang unang nagso-sorry sa kanilang mag-asawa, sagot ni Oyo, “Mas madalas s’ya ‘yung ano, eh...”
Hindi napigilan ni Dina ang pang-aasar sa anak.
“Ang prideful mo naman! Yabang!” sey niya.
Depensa naman ni Oyo, “‘Di kasi, ibig sabihin, s’ya ‘yung may kasalanan! Ako, ‘yung mabait talaga.”
“Si Tin, laging may kasalanan? Parang ‘di ako naniniwala!” sey pa ni Dina.
Ipinaliwanag ni Oyo na magkaiba ang takbo ng isip ng mga lalaki at babae kapag may hindi pagkakaunawaan.
“Minsan nga, alam mo, s’yempre, ‘yung thinking ng lalaki na parang, ‘‘Di eh, ito kasi ‘yun, eh.’ Iba ‘yung takbo ng utak ng babae. Sabi ko nga, ‘di ba, spaghetti ‘yung babae, eh. Spaghetti ‘yung utak nila,” aniya.
Dahil dito, aniya, minsan ay tumatagal ang kanyang pride dahil nahihirapan siyang ipaintindi kay Kristine ang kanyang panig.
“Kaya siguro ‘yung pride ko, minsan, tumatagal kasi gusto mong ipaintindi sa kanya pero ‘di n’ya ma-gets. Tapos, ‘yung lalaki, ‘di rin namin ma-gets na parang, ‘Wala naman akong ginawa!’” paliwanag pa niya.
Sa 17th anniv ng show…
KARYLLE, BINIGYAN NG “WOW, SABAW AWARD” SA IT'S SHOWTIME
HINDI lamang tawanan at biruan ang naging bahagi ng ika-17 anibersaryo ng It’s Showtime (IS), kundi pati ang mga makahulugang mensahe at emosyonal na sandali na nagpaalala sa matagal nang samahan ng mga hosts at madlang people.
Sa pagtatapos ng week-long celebration na tinawag na Disisyete, naging tampok ang ikalawang taon ng ‘Showtime Awaaard’, kung saan kinilala ang mga hosts sa kanilang mga nakatutuwang eksena at hindi malilimutang kontribusyon sa noontime show.
Isa sa mga naging sentro ng biruan si Anne Curtis, na nag-uwi ng ‘Ha, Hakdog Award’, dahil sa kanyang mga bulol moments. Si Fyang Smith ang nag-abot ng tropeo.
Samantala, napunta kay Ryan Bang ang ‘Karir Na Karir Award’ dahil sa paggaya niya sa sea lion, habang kinilala naman ang mga pagkakadapa ni Ogie Alcasid sa pamamagitan ng ‘The Fallen Star Award’.
Tumanggap din si Vice ng ‘Best Actress in an Eme-Eme Showtime Awaaard Consideration Role’ dahil sa pagganap niya sa MEMErimar skit sa Laro Laro Pick.
Kinuwestiyon ni Anne ang pag-iyak ni Vice at pabirong sinabing gawa lamang ng artificial intelligence (AI) ang kanyang mga luha. Hinamon naman siya ng komedyante na patunayan ang kanyang husay sa pag-iyak. Bagama't may kaunting pagkaantala, nagawa ring patuluin ni Vice ang kanyang luha.
Sa kabila ng tawanan, nagbigay si Vice ng makahulugang mensahe sa kanyang acceptance speech. Inamin niyang dumaan sa matinding bashing ang aktingan portion ng Laro Laro Pick at humiling ng pang-unawa sa mga manonood.
Hiniling niya na bigyan ang programa ng pagkakataong patuloy na matuto at mag-improve, lalo na kung may mga segments na hindi agad nagugustuhan ng mga viewers. Nagpasalamat din siya sa walang sawang pagmamahal at suporta ng madlang people.
Nagtabla naman sina Vice at Jhong Hilario sa ‘Words of Wisdom Award’ dahil sa kanilang mga mensaheng nagbibigay-inspirasyon sa mga manonood.
Nagpasalamat si Vice sa It's Showtime sa pagbibigay sa mga hosts ng pagkakataong magbahagi hindi lamang ng katatawanan kundi maging ng mga salitang maaaring makatulong sa mga taong may pinagdaraanan.
Samantala, ginawaran nina Charo Santos at Annette Gozon si Vhong Navarro ng ‘Pero ‘Nay Aminin Mo Pwedeng Special Jury Citation ‘To’ para sa kanyang makahulugang linyang ‘Love is blind’.
Tumanggap din si Jugs Jugueta ng ‘Best Live Sound Effects Award’, si Karylle ng ‘Wow Sabaw Award’ at si Amy Perez ng ‘Lifetime Sa Showtime Award’.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Kyle Echarri at dating Pinoy Big Brother Collab 2.0 (PBBCE2.0) housemates Iñigo Jose at Joaquin Arce bilang mga award presenters, habang naging guest co-host si Bianca Umali.
Gayunman, isa sa pinakamahalagang sandali ng pagdiriwang ang emosyonal na pahayag ni Vice na ito na ang huling anibersaryo ng programa sa kasalukuyang studio.
Binalikan niya ang 17 taong pinagsamahan ng IS at ng madlang people, at nagpasalamat sa mga manonood na naging bahagi ng kanilang paglalakbay.
Sa kabila ng pagbabago ng lugar, ipinahayag ni Vice ang pasasalamat sa mga alaalang nabuo sa studio. Sa loob ng 17 taon, hindi lamang katatawanan ang naging tatak ng programa, kundi pati ang pagkakaisa, pagmamahalan at mga mensaheng nagbibigay-inspirasyon sa mga manonood.





Comments