top of page

Usapin sa pambansang badyet, maaaring silipin sa ‘Budget Transparency Portal’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 4, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Inilunsad nitong nakaraang Lunes ang “Budget Transparency Portal” ng Senado, isang website kung saan makikita na ng ating mga kababayan ang lahat ng mga mahahalagang dokumentong may kinalaman sa pagtalakay sa national budget. Maaari ring gamitin ang naturang portal upang ibahagi ang mga suhestiyon ng publiko at pagsusuri sa panukalang pondo ng bansa para sa susunod na taon.


Ang paglulunsad ng portal na ito ay alinsunod sa pag-apruba sa Senate Concurrent Resolution No. 4, kung saan isinusulong natin ang mas transparent na proseso sa pagtalakay ng national budget. Nakasaad sa resolusyong inaprubahan ng bawat isa sa ating mga kasamahan sa Senado na ang mahahalagang dokumentong may kinalaman sa national budget ay isasapubliko natin sa website ng parehong Kamara at Senado. Isinusulong din natin sa ilalim ng naturang resolusyon ang mas aktibong pakikilahok ng ating mga kababayan sa pag-usisa ng pambansang pondo. 


Anu-ano nga ba ang nasa budget transparency portal? Isa sa mga makikita natin dito ang mga petsa at oras ng mga nakatakdang pagdinig ng Committee on Finance sa mga panukalang budget ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Naka-livestream ang bawat pagdinig at maaaring balikan ng ating mga kababayan ang video recording ng mga pagdinig.


Maaari ring makita sa budget transparency portal ang transcript ng mga pagdinig. Sa mga transcript mababasa ang mismong mga talakayan upang mabalikan at mapag-aralan ng ating mga kababayan. Makikita na rin natin ang mga journal records ng mga magiging talakayan sa plenary session.   


Sa mga nagdaang taon, ang naipapasilip lang sa atin ay ang National Expenditure Program (NEP) at ang General Appropriations Act (GAA). Ang NEP ang panukalang budget na isinumite ng ehekutibo sa Kongreso batay sa mga prayoridad ng Pangulo, samantalang ang GAA naman ang pinal na bersyon ng national budget na nilagdaan ng Pangulo.


Alinsunod sa Senate Concurrent Resolution No. 4, makikita na rin natin ang iba’t ibang mga pagbabago sa iba’t ibang yugto ng pagtalakay sa national budget. Sa website ng parehong Senado at Kamara, makikita na ang General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Kamara sa huli at ikatlong basa at isinumite sa Senado. Sa budget transparency portal ng Senado, makikita na rin ang committee report ng Senate Committee on Finance, pati na rin ang bersyon ng budget na inaprubahan ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa.


Isasapubliko rin natin ang bicameral conference committee report na magreresolba sa pagkakaiba ng bersyon ng Senado at Kamara at ang matrix na maghahambing sa magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.  


Isa rin sa mga pinakamahalagang makikita sa budget transparency portal ang feedback form, kung saan maaaring iparating ng ating mga kababayan ang kanilang mga suhestiyon. Patuloy nating babantayan ang pagtalakay sa national budget upang matiyak na bawat sentimo ng buwis na binabayad ng ating mga kababayan ay nakalaan sa tamang mga programa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page