US peace proposal, tinanggihan ng Iran
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | April 1, 2026
Photo: FB - US Pres. Donald J. Trump / Al Jazeera
Tinuligsa ng Iran ang peace proposal ng Estados Unidos na layong tapusin ang digmaan sa Middle East, at tinawag itong “unrealistic, illogical, at excessive.” Kasabay nito, naglunsad ang Iran ng panibagong missile strike laban sa Israel.
Lalo pang lumawak ang tensyon matapos makisali sa labanan ang Houthi rebels sa Yemen at ang Hezbollah sa Lebanon, na kapwa nagsagawa ng mga pag-atake sa Israel.
Bilang tugon, sinabi ng militar ng Israel na nagsagawa ito ng airstrike sa mga target na imprastraktura militar sa Tehran at Beirut.
Dahil sa patuloy na kaguluhan, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagpalala sa pangamba sa suplay ng enerhiya.
Nagbabala naman si US President Donald Trump sa Iran na panatilihing bukas ang Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng oil at gas shipments—at iginiit na maaaring humantong sa pag-atake ng US sa mga energy facilities ng bansa kung ito ay isasara.
PANTALAN BINOMBA, 1 NADALE
MARIING kinondena ng Sultanate of Oman ang karumal-dumal na drone attack sa Port of Salalah noong Sabado, na ikinasugat ng isang manggagawa at nagdulot ng pinsala sa isang crane. Dalawang drone ang tumarget sa nasabing pantalan, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang grupong umaako sa insidente.
Bilang tugon, pansamantalang itinigil ng Danish shipping giant na Maersk ang operasyon nito sa Port of Salalah upang matiyak ang kaligtasan ng mga tauhan at kargamento. Ang naturang daungan ay isa sa pinakamalaking transshipment hubs sa rehiyon, kaya’t nagdulot ng pangamba ang insidente sa pandaigdigang industriya ng pagpapadala.
Sa panayam ng Star FM Bacolod, ibinahagi ni Mary Jane Damacio, isang overseas Filipino worker sa Oman, na nagpapasalamat siya dahil ligtas sila at malayo ang kanilang tinitirhan sa apektadong lugar. Gayunman, aniya, ramdam pa rin ng mga tao sa bansa ang takot at pangamba dahil sa nangyari.
Patuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan ng Oman upang matukoy ang pinagmulan ng drone attack, habang pinaiigting ang seguridad sa mga pangunahing daungan at iba pang kritikal na pasilidad upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
2 UN PEACEKEEPERS, TODAS SA PAGSABOG
PATAY ang dalawang Indonesian United Nations peacekeepers sa southern Lebanon matapos tamaan ng isang malakas na pagsabog ang kanilang sinasakyang sasakyan, ayon sa United Nations Interim Force in Lebanon (UNIFIL).
Sugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan at agad na isinugod sa pagamutan para sa agarang lunas.
Ayon sa UNIFIL, ito na ang ikalawang insidente sa loob lamang ng 24 na oras. Noong Linggo ng gabi, isa ring Indonesian peacekeeper ang nasawi matapos tamaan ng missile sa Adchit Al Qusayr sa southern Lebanon.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang UNIFIL upang alamin ang pinagmulan ng mga insidente at ang mga posibleng responsable sa mga ito.








Comments