US at UK, may mga bagong pag-atake sa Houthi targets

ni Angela Fernando - Trainee @News | February 4, 2024

Nagsagawa ng bagong pag-atake ang United States at United Kingdom laban sa mga target ng Houthi sa Yemen mula sa mga air at surface platform, kabilang ang F/A-18s, ayon sa mga opisyal.
Dagdag ng opisyal, tinamaan ang hindi bababa sa 30 target sa umaabot sa 10 na lokasyon kung saan kasama ang mga target ng command at control, isang underground weapon storage facility, at iba pang armas na ginagamit ng mga rebeldeng suportado ng Iran para sa mga international shipping lane.
Matatandaang ang administrasyon ni Pangulong Joe Biden ay nangako ng tinatawag na "multi-tiered" response sa isang drone attack na nagresulta sa pagkamatay ng 3 miyembro ng US service at mahigit sa 40 na sugatan nu'ng nagdaang linggo.
Hindi direktang inatake ng US ang Iran para maiwasang pumutok ang isang rehiyonal na giyera sa Tehran, at hinahabol na lang nito ang ilang powerful proxy sa rehiyon.
Ang mga pag-atake sa Yemen ay naiiba sa mga pag-atake sa Iraq at Syria: Ang una ay tugon sa patuloy na mga pag-atake ng Houthi sa mga international shipping lane at US warships sa Red Sea, samantalang ang huli ay isang hakbang na naglalaman ng ganti para sa mga nakamamatay na atake sa mga tropang Amerikano ngunit parehong sentro o target ang mga Iranian-backed group sa Gitnang Silangan.





Comments