US at Australia, nagbigay ng P36B sa Pacific Islands, kontra-droga
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | September 3, 2026

Photo: File
Umabot sa $580 (P36B) milyon ang pinagsamang pondo ng Estados Unidos at Australia para sa mga bansang Pacific Islands, kasabay ng pagpapaigting ng dalawang bansa sa kanilang presensya at impluwensya sa rehiyon na patuloy ding inaagawan ng atensyon ng China.
Inihayag ng Australia ang $430 milyon (P26B) na package para labanan ang drug smuggling at organisadong krimen sa Pacific.
Gagamitin ang pondo sa pagpapalakas ng aerial surveillance at dagdag na training para sa mga pulis at border officials ng mga bansang kabilang sa rehiyon.
Ayon kay Australian Prime Minister Anthony Albanese, mahalaga sa Australia ang seguridad ng Pacific dahil itinuturing nila itong bahagi ng kanilang tahanan at pamilya.
Samantala, naglaan naman ang US ng $150 milyon (P9B) para sa Pacific Islands, kabilang ang $60 milyon (P3B) na tutulong sa mga bansa na harapin ang global energy crisis.
Bahagi ng naturang pondo ang pagpapalawak ng fuel storage capacity at mga hakbang para mapanatiling matatag ang kanilang power grids.
Inanunsyo ni US Deputy Secretary of State Christopher Landau ang ayuda sa ginaganap na Pacific Islands Forum sa Palau, kung saan nangingibabaw din ang usapin sa paglahok ng Taiwan.
Tutol ang China sa presensya ng Taiwan sa taunang pagpupulong ng 18-member forum dahil itinuturing ng Beijing ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito.
Sinabi naman ng Australia at New Zealand na ang bloc ang magpapasya kung sino ang maaaring imbitahan sa forum.
Ang Palau, na host ng kasalukuyang pagpupulong, ay kabilang sa tatlong Pacific nations na patuloy na nagpapanatili ng diplomatic ties sa Taiwan.
Nagsimula ang forum noong Agosto 30 at nakatakdang magtapos sa Setyembre 4.





Comments