top of page

Unti-unting paggising ng kaparian at ng lahat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 12
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 12, 2025



Fr. Robert Reyes


Taong 2022 nang buuin ng mga paring Katoliko ang Clergy for the Moral Choice. 

Salamat sa social media madaling naabot ang mga Catholic priest sa iba’t ibang dako ng bansa. Napadalhan ng mga impormasyon, nakapag-usap at nakapagtalakayan hanggang napagkasunduang bumuo ng pambansang kilusan na umabot sa mahigit 1,400 kasapi. 


Napalimbag ang lahat ng mga pangalan ng mga lumahok at sumapi sa Clergy for the Moral Choice, at sa misang ginanap sa isang malaking simbahan sa Tondo, dumalo si dating Vice President at Mayor Leni Robredo at inabot sa kanya ang dokumentong naglalaman ng mga pirma ng 1,400 priest.


Para sa maraming pari, kailangang maghanap ng kandidatong iaahon ang bansa sa pagkakalugmok sa krisis ng moralidad. Hindi lang maruming pulitika kundi ang madugong pulitika ang suliranin sa nagdaang administrasyon. Matagal nang naging bahagi ng buhay ng karaniwang mamamayan ang kahirapang bunga ng korup umanong pulitika. Kakaiba ang polisiya ng “patay, patay, patay (kill, kill, kill)”. Bakit? Dahil ayon sa nakaraang presidente, walang ibang solusyon sa mga may hawak ng “industriya ng droga” kundi ang paglipol sa mga ito.


Kaya’t kinailangang maghanap ng kandidatong makatutulong sa pagbabangon-dangal ng bansang lumubog sa putik ng karahasan at kamatayan. Malinaw sa kaparian kung sino ang pipiliin at ikakampanya sa dalawang nangungunang kandidato: ang biyuda ng mahal na dating mayor ng Naga o ang anak ng diktador-arkitekto ng Batas Militar.


Natapos ang halalan at ang bilangan. Kahina-hinala ang naging resulta ng halalan. Nag-ingay ang napakaraming bumoto sa biyuda. Mahigit isang taon tayong nagmisa tuwing huling Biyernes (Last Friday Habit) sa pambansang tanggapan ng Comelec sa harapan ng Plaza Roma sa Intramuros. Nagtanong, nangbatikos, humingi ng paliwanag sa Comelec sa mga nangyari noong nakaraang pambansang halalan ang mga grupo at indibidwal na sumama sa amin. Pinansin ba kami ni Chairman George Garcia?


Samantalang tumahimik at lumayo ang dating buo, masaya at maalab na grupo ng mga kapariang Katolikong sumusuporta kay Mayor Robredo, nabuo naman ang mga grupong pinaglalaban ang Repormang Elektoral na pinamumunuan ng grupo ng mga kaparian at layko. 


Noong Nobyembre 29, 2024, nabuo ang kilusan ng mga kapariang nakilalang Clergy for Good Governance (CGG). Marami sa mga nagsimula sa CGG ay bahagi ng Clergy for the Moral Choice (CMC). Ilang buwan ding nanahimik ang CGG hanggang sumabog ang iskandalo ng mga ghost flood control project. Dahil dito, uminit ang marami lalo na ang mga kabataang lubhang namuhi sa kamandag ng korupsiyon, muling nag-usap-usap ang mga pari at nagkasundo na kumilos at lumaban.


Sa mga nagdaang araw, nakabuo ng nagkakaisang pahayag ang mga pari at muling nangalap ng mga pirma para sama-samang isulong ang naturang pahayag. Sa loob ng tatlong araw nilagdaan ng 1,320 pari ng Clergy for Good Governance ang pahayag: “Not a Snap Election but a Snap of Conscience.” Hindi snap election kundi pitik ng konsensya. 


Munting milagro ang pagbuo ng pahayag at pagkalap ng mga pirma. Isa ring munting milagro ang pambayad sa “paid ad” na lumabas sa isang pahayagan noong nakaraang Biyernes. Oo, isang munting milagro din ang unti-unting paggising ng marami dahil sa iskandalong nakamamatay ng malalim, malubha at laganap na korupsiyon sa buong bansa. Hindi papayag na maiwanan ang kaparian sa pambansang pagmulat ng bawat mamamayan. Nagkasundo rin ang mga pari na hindi maaaring pabayaang manlamig na naman ang mga nagising na diwa, puso at kaluluwa ng bawat mamamayang naghahanap ng tunay, malalim, malawak at pangmatagalang pagbabago.


Malinaw na bahagi ng buhay at bokasyon ng bawat pari ang pagmulat at paghikayat na lumaban ang bawat isa sa kasamaan at imoralidad. 


Sinimulan ni Father Nonong Fajardo ang kilusang “Huwag Kang Papatay.” At ngayon nagpapatuloy ang kanyang sinimulan. Tuloy pa rin ang “Huwag Kang Papatay” ngunit nagsusumigaw naman ngayon ang “Huwag Kang Magnanakaw!”.


May sikat na ulam sa Bicol na ‘Gising-Gising’ ang pangalan. Hindi lang basta ulam ito kundi pang-araw-araw na panawagan sa lahat. Gising-gising mga kababayan, at kasabay nito ang “Laban-laban! Sigaw-sigaw! Wakasan ang nakawan, patayan, lokohan”. Dapat na isulong ang matino at marangal na pamamahala’t paglilingkod.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page