United FC, hanap unang panalo kontra Laguna sa PFL Clark
- BULGAR
- Nov 5, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 5, 2022

Hahanapin ng defending champion United City FC ang unang panalo sa kanilang bagong tahanan New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac laban sa bisitang Stallion Laguna FC ngayong araw sa pagpapatuloy ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways simula 4 p.m. Sa kasabay na laro, magtatapat ang Mendiola FC 1991 at bisitang Azkals Development Team sa Imus Grandstand sa Cavite.
Isang 2-2 tabla lang ang nakamit ng United City kontra sa Azkals sa pinakaunang opisyal na laro sa New Clark noong Oktubre 22. Umabante agad ang mga kampeon sa first half, 2-0, subalit humabol ang Azkals sa dalawang goal sa second half upang maisalba ang tabla.
Galing ang Stallion sa 1-2 talo sa numero unong Kaya FC Iloilo noong Oktubre 30.
Kasalukuyang pang-apat ang koponan na may 15 puntos subalit siyam pa lang ang laro at kailangan nila ang positibong resulta upang manatiling malapit sa liderato papasok sa susunod na dalawang round ng liga sa 2023.
Samantala, nilinaw na ng Philippine Football Federation (PFF) ang kalendaryo ng Philippine Women’s National Team sa parating nilang dalawang FIFA Friendly sa Chile na ika-38 sa FIFA World Ranking. Magsasagawa ang Filipinas ng 11 araw na ensayo sa nasabing bansa at gaganapin ang mga friendly ngayong Nobyembre 12 sa Estadio Sausalito sa Vina del Mar at sa Nobyembre 15 sa Municipal dela Pinta sa kabisera Santiago.
Maghahanda na rin ang susunod na henerasyon ng Filipinas matapos ang opisyal na bunutan para sa qualifier ng 2024 AFC Under-20 Women’s Asian Cup Uzbekistan noong Huwebes. Isinabay na rin ang bunutan para sa qualifiers ng 2024 Under-17 Women’s Asian Cup sa Indonesia.
Mga laro ngayong Sabado 4:00 p.m. United City vs. Stallion Laguna (New Clark City) 4:00 p.m. Mendiola 1991 vs. Azkals Development Team (Imus Grandstand)





Comments