United City, masusukat na anggaling sa 2021 AFC Champions League

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 30, 2021

Matapos maghari sa 2020 Philippines Football League (PFL) ay susukatin na ng United City ang kanilang husay sa mga bigatin sa Asya sa pagsabak sa 2021 AFC Champions League. Nitong Miyerkules sa AFC House sa Kuala Lumpur, Malaysia nabunot ang mga kampeon sa Grupo I kabilang ang Kawasaki Frontale ng Japan, Guangzhou ng Tsina at ang magwawagi sa pagitan ng Daegu ng Timog Korea at Chiangrai United ng Thailand simula Abril 21 hanggang Mayo 7 sa isang pang tutukuyin na lugar.
Ito ang unang pagkakataon na may koponang Pinoy na sasabak sa group stage ng pinakamalaki at prestihiyosong torneo ng mga club sa Asya. Ngayong taon, lumaki lalo ang torneo sa 40 kalahok buhat sa dating 32 at buksan ang pinto para sa mga pausbong na bansa gaya ng Pilipinas.
Dobleng kampeon ang Kawasaki sa 2020 J1 League at Emperor’s Cup habang nagwagi ang Guangzhou sa 2013 at 2015 ACL at pumangalawa sa 2020 Chinese Super League. Pang-lima ang Daegu sa 2020 K League 1 habang nais bumalik ang Chiangrai sa group stage sa ikalawang sunod na taon.
Kasali rin ang PFL runner-up Kaya Iloilo sa qualifying round kung saan nakatakda nilang harapin ang Brisbane Roar ng Australia sa Abril 7, ang parehong koponan na tinalo ng Ceres Negros noong 2018 qualifiers, 3-2. Kung papalarin, haharapin ng Kaya ang Beijing ng China sa Abril 14 para sa ika-apat at huling pwesto sa Grupo F kasama ang defending champion Ulsan Hyundai ng Timog Korea, BG Pathum United ng Thailand at Viettel ng Vietnam.
Kung hindi naman makapasok, may naghihintay na pwesto para sa Kaya sa Grupo I ng 2021 AFC Cup kung saan nabunot din ang Shan United ng Myanmar, Geylang International ng Singapore at Terengganu ng Malaysia na tampok si Carli de Murga ng Philippine Azkals. Gaganapin ang single round group stage ng torneo mula Hunyo 22 hanggang 28.
Tinalo ng Kaya ang Shan, 2-0, noong nakaraang Pebrero sa 2020 AFC Cup group stage sa likod ng mga goal nina kapitan Jovin Bedic at Eric Giganto. Ipinatigil ang mga laro noong Marso bunga ng pandemya at tuluyang ibinasura pagsapit ng Setyembre na walang nakoronahang kampeon.
Inaasahan na magiging mas puspusan ang paghahanda ng dalawang koponang Pinoy at ihahayag ang kanilang mga bagong manlalaro sa mga susunod na araw. Nauna na ang United City sa pagpirma ng bagong kontrata kay 2020 PFL Golden Glove Anthony Pinthus upang samahan muli sina MVP Stephan Schrock at Golden Boot Bievenido Maranon.
Ang kampeon ng 2021 ACL ay kakatawanin ang Asya sa 2021 FIFA Club World Cup na gaganapin sa Japan ngayong Disyembre. Samantala, ang kampeon ng 2021 AFC Cup ay bibigyan ng pagkakataon na makapasok sa group stage ng 2022 ACL.





Comments