top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

United City, Maharlika Manila, sa PFL; PSA Online Forum, mainit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 3, 2020




Patuloy ang mainit na aksiyon ngayong araw sa 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways mula sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Matapos malampasan ang hamon ng bagyong Rolly, tatlong laban ang ihahain ngayon ng liga tampok ang tapatan nangungunang United City kontra Maharlika Manila sa 8:00 ng gabi.


Nagpamalas ng kanilang bagsik ang UCFC noong nakaraang Oktubre 31 kung saan dinurog nila ang Mendiola 1991, 6-0, sa likod ng tatlong goal ni Bienvenido Maranon. Dalawa ang ambag ni Robert Lopez Mendy habang ang isa pa ay galing sa penalty kick ni Mike Ott.


Papasok sa laro ang Maharlika na ganadong-ganado galing sa makasaysayang unang tagumpay sa kanilang maikling kasaysayan, 2-1, laban sa Stallion Laguna noong Sabado rin. Namayani ang mga reserbang sina Jose Montelibano at Jeremy Theuer sa second half upang maagaw ng “Koponan Ng Masa” ang panalo.


Aabangan din ang laban ng Stallion at Kaya Iloilo sa 4:30 ng hapon sa pagitan ng dalawang nalalabing koponan buhat sa unang taon ng PFL noong 2017. Aasahan na hindi mag-iiba ang timpla ng dalawang koponan na nakilala sa matinding pisikalan tuwing nagkikita. Bubuksan ang araw ng laban ng Azkals Development Team at Mendiola 1991 sa 9:00 ng umaga. Parehong walang panalo ang dalawang koponan at kailangan na manalo upang hindi lumayo sa mga nangungunang koponan.


Kahit bigo, maganda ang pinakita ng Azkals sa kanilang unang dalawang laro kontra sa UCFC at Kaya na parehong nagtapos sa iskor na 1-0. Hindi nagpakita ng takot at kaba ang mga kabataan na inaasahang bubuo sa pambansang koponan sa mga susunod na taon.


Samantala, haharap ngayong araw ng Martes sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum si Atty. Jesus Clint Aranas ng World Archery Philippines at kandidato para Presidente ng Philippine Olympic Committee (POC). Tatalakayin ni Atty. Aranas ang kanyang plataporma para sa eleksiyon na nakatakda para sa Nobyembre 27.


Hahamunin niya ang kasalukuyang nakaupo na si Rep. Abraham Tolentino ng PhilCycling. Nagbuo na rin ng sariling tiket si Atty. Aranas na tatawaging Team SPORTS. Ang buong pulong balitaan ay mapapanood sa pahina sa Facebook ng PSA at Radyo Pilipinas 2 simula 10:00 ng umaga.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page