Search
  • BULGAR

United City at Kaya Iloilo, sasalang na sa ACL sa abril

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 28, 2021





Opisyal na binago na ng Asian Football Confederation ang magiging mga kalaro ng mga koponang Filipino sa darating na prestihiyosong 2021 AFC Champions League (ACL) na United City at Kaya Iloilo. Nakatakdang sumalang sa aksyon ang dalawang pambato ng Philippines Football League (PFL) ngayong Abril na determinadong umukit ng bagong kasaysayan para sa Pinoy Football.


Makakasama na ng United City sa Grupo 1 ang Beijing bilang kapalit ng Guangzhou. Lilipat naman ang Guangzhou sa Grupo J bilang kapalit sa tinanggal na Shandong, ang kampeon ng 2020 Chinese FA Cup, na inalisan ng lisensiya ng AFC bunga ng hindi nila pagbayad sa kanilang mga manlalaro.


Kung magtatagumpay ang Kaya sa Brisbane Roar ng Australia sa qualifier sa Abril 7, tutuloy sila upang harapin ang Shanghai imbes na ang Beijing sa Abril 14 para sa ika-apat at huling puwesto sa Grupo F. Nakapasok ang Shanghai sa bisa ng kanilang pagtapos sa ika-apat na pwesto sa 2020 Chinese Super League.


Nakatakda ang group stages para sa ACL Eastern Zone para sa Abril 21 hanggang Mayo 8. Mula sa nakagawian na iikot ang mga laro sa mga bansa, gagawin ang lahat sa nag-iisang lugar na ihahayag ng AFC sa mga susunod na linggo.


Samantala, imbes na magdagdag at magpalakas ay patuloy na nalalagas ang kampeong United City habang papalapit na ang ACL. Idagdag na si Robert Lopez Mendy sa mga pinakawalan ng mga kampeon at dadalhin ng tubong Senegal na forward ang kanyang talento sa Visakha sa Cambodian League.


Sa mga nakaraang buwan matapos ang 2020 PFL noong Nobyembre, isa-isang umalis sa United City ang kanilang mga manlalaro na sina OJ Porteria at Dennis Villanueva na lumipat sa Ratchaburi at Nakhon Ratchasima sa Thai League One at Manny Ott sa Melaka United ng Liga Super Malaysia. Tanging si PFL Golden Glove goalkeeper Anthony Pinthus ang tiyak na babalik ngayong 2021 para sa United City.


Hinihintay ang pagpirma muli ng bagong kontrata nina Golden Ball Most Valuable Player Stephan Schrock at Golden Boot Best Scorer Bienvenido Maranon. Kamakailan ay lumapit ng isang hakbang si Maranon sa kanyang pangarap na maging mamayanan ng Pilipinas matapos pumasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na gagawad sa kanya nito at umuusad na rin ang katumbas na panukala sa Senado.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.