Union Run aarangkada
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 1, 2021
Paniguradong suportado ng mga liyamadista si Union Run pagsabak sa Condition Race (22) na ilalarga ngayon sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City sa Batangas.
Sasakyan ni jockey RC Suson,makikilatis si Union Run kontra lima pang kalahok sa event na may added prize na P30,000 na kukubrahin ng mananalo kabayo.
May distansyang 1,200 meter race, ang ibang kalahok ay sina Tanforan, Lockdown, Magnitude Eight, Kungfu Karatu at Boy Paradise, inisponsoran ang event ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). "Tingin ko patok yang si Union Run, mahirap talunin kaya single ako sa kanya," saad ni Jerick Valdez, karerista.
Maliban kay Union Run, tiyak na aabangan ng mga karerista ang carry over sa super 6 na pakakawalan sa pangalawang karera kung saan 10 kabayo ang magtatagisan ng bilis sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System.
Paglalabanan ang carry over na P6,880.14, ang mga kalahok ay sina Potential, Right Answer, Don Albertini, Noh Sen Young Yana, Jean Genie, Janni Banni, Pass Your Papers, Bocaue Boss, Coldplay at Princess Nancy.
Ayon sa mga karerista pahirapan ang pagpili ng tatayaan sa nasabing race kaya naniniwala sila na kahit liyamado ang mananalo ay maganda pa rin ang magiging dibidendo.
Posibleng magdomina sa takilya sina Noh Sen Young Yana at Janni Banni at nakalaan ang karagdagang premyo na P180,000 na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa finish line.
Samantala, pitong karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) na ilalarga ngayong araw nasabing pista kaya inaasahang masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang. Dalawang araw ang karera sa Metro Turf, ngayon at bukas, (Huwebes).





Comments