top of page
BIDA - AGOT KAY SEN. ROBIN SA HINA NG ULO MONG ‘YAN, SA TINGIN MO, MAUUTO MO KAMI-FB Agot

Unified vape tax rate, nakikitang susi laban sa ilegal na bentahan ng vapes

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 4 min read

ni Chit Luna @News | May 26, 2026


Vape, vaping

Photo: File



Itinulak ng mga mambabatas at mga eksperto sa fiscal policy ang panukalang pag-isahin ang excise tax rate sa vape products, kasabay ng babala na ang kasalukuyang dual-rate system ay patuloy na nagiging daan sa pandaraya sa buwis, misdeclaration, at paglaganap ng ilegal na kalakalan. Ayon sa kanila, makatutulong ang pagkakaroon ng iisang tax structure upang mapalakas ang koleksyon ng gobyerno at mas mapadali ang pagpapatupad ng batas laban sa illicit trade.


“Ang pagkakaiba ng tax rate sa pagitan ng nicotine salt at freebase products ay nagbigay ng oportunidad para sa malawakang misdeclaration at tax leakage. Kailangan natin ng mas simpleng sistema na magpoprotekta sa kita ng pamahalaan at tumutulong sa mga awtoridad na sugpuin ang ilegal na kalakalan,” ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.


Sinabi ni Rodriguez na mahalagang agarang matugunan ang mga umiiral na butas sa batas lalo na sa gitna ng mga hamong pang-ekonomiya na dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, na maaaring makaapekto sa pambansang ekonomiya at koleksyon ng gobyerno.


“Dapat ipagpatuloy agad ang mga talakayan at deliberasyon hinggil sa [House Bill 5207]. Habang tumatagal na hindi natutugunan ang mga butas sa batas, lalo pang nababawasan ang kita ng pamahalaan at mas nakikinabang ang mga ilegal na mangangalakal sa kahinaan ng kasalukuyang sistema,” ayon kay Rodriguez.


Layunin ng HB 5207, na suportado ng mahigit 40 mambabatas kabilang si Rodriguez at iba pang naghain ng kaparehong panukala, na alisin ang malaking agwat sa excise tax rates ng nicotine salt at freebase nicotine products. Sa kasalukuyan, binubuwisan ang nicotine salt ng ₱60.20 bawat milliliter habang ₱6.95 lamang bawat milliliter ang buwis sa freebase nicotine products.


Ayon sa mga tagasuporta ng panukala, nagagamit ang malaking disparity sa buwis upang makaiwas ang ilang traders sa mas mataas na excise tax sa pamamagitan ng maling deklarasyon ng produkto. Sa ilalim ng panukala, itataas ang buwis sa freebase nicotine products upang paliitin ang agwat at mapigilan ang pagsasamantala sa kasalukuyang sistema.


“Sa kabuuan, layunin ng panukalang batas na ito na bawasan ang pasanin ng mga lehitimong negosyo, gawing pantay ang laban sa merkado, hadlangan ang mga ilegal na gawain sa kalakalan na naglalantad sa mga mamimili sa unregulated products, at tiyakin ang patas na kompetisyon sa merkado,” ayon sa mga may-akda ng panukala.


Sinabi rin ni Rodriguez na makatutulong ang unified tax structure upang gawing mas simple ang regulasyon para sa enforcement agencies at sa mga lehitimong negosyo. Aniya, mas magiging madali ang pagpapatupad ng batas at mababawasan ang insentibo para sa manipulasyon ng product classifications.


“Kailangan nating tapalan ang mga butas sa batas at ibalik ang patas na laban sa merkado. Ang pagkakaroon ng iisang istruktura ng buwis ay nagpapadali sa pagsunod sa batas at mag-aalis ng insentibo para sa mga ilegal na operators na manipulahin ang klasipikasyon ng produkto,” aniya.


Dagdag pa ni Rodriguez, “Ang layunin ay hindi lamang basta magtaas ng buwis, kundi ang lumikha ng sistemang tunay na maipapatupad nang epektibo. Kapag masyadong komplikado ang framework at madaling abusuhin, nawawalan ng kita ang pamahalaan at lalo pang lumalago ang mga ilegal na operators.”


Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Pebrero, nagpahayag ng suporta ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Department of Trade and Industry (DTI) sa panukalang pag-isahin ang vape tax rates upang mapadali ang administrasyon at enforcement. Binanggit din ni Finance Undersecretary Carlo Adriano na tila “nawala” ang salt nicotine products sa opisyal na tax records noong 2024 at 2025, habang sinabi ng BOC na umaasa lamang ito sa dokumentasyong isinusumite sa DTI para sa product classification.


Nagpahayag din ng suporta ang think tank na CAPS and Partners sa panukalang pag-isahin ang buwis sa vape products, kasabay ng babala na nagiging mahirap nang ipatupad ang kasalukuyang sistema ng pag-uuri ng nicotine products. Ayon kay CAPS and Partners president Eric Castillo, nahihirapan ang mga enforcement agencies na tiyaking tama ang deklarasyon ng nicotine classification ng mga produkto, dahilan upang magkaroon ng mga butas sa sistema ng pagbubuwis.


“Isa sa mga kritikal na depekto sa kasalukuyang sistema ay ang pagkakaiba ng nicotine salt at freebase nicotine. Isa na itong lumang klasipikasyon na naging daan sa maling paglalabel, pag-iwas sa buwis, at kahinaan sa pagpapatupad ng batas,” ani Castillo.


“Sinasamantala ng mga trader ang butas na ito sa regulasyon sa pamamagitan ng maling deklarasyon ng mga produkto upang makaiwas sa mas mataas na excise tax,” dagdag niya.


Noong Marso ngayong taon, nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Navotas City ang halos 3,200 master boxes ng ilegal na e-cigarettes at vape products na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 bilyon, na itinuturing ng ahensya bilang pinakamalaki nitong huli sa ganitong uri ng produkto.


Sinabi ng think tank na makatutulong ang panukalang batas upang gawing mas moderno ang sistema ng pagbubuwis sa nicotine products habang pinapalakas ang koleksyon ng gobyerno at kampanya laban sa illicit trade.


“Noong 2023 lamang, tinatayang umabot sa ₱25.5 bilyon ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa illicit cigarette trade, ayon sa Bureau of Internal Revenue. Ang pagdami ng mga hindi rehistrado at hindi binubuwisang vapor products ay lalo pang nagpapahina sa koleksyon ng gobyerno at consumer protection,” ani Castillo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page