Unified PWD ID system, tugon laban sa paglaganap ng mga pekeng ID
- BULGAR

- Jun 25
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 25, 2025

Matagal nang isyu ang paglaganap ng mga pekeng identification card ng mga person with disability (PWD) sa bansa dahil sa mga taong gumagamit nito sa maling pamamaraan at mga mapagsamantala kahit hindi naman kabilang sa nasabing grupo.
Ang pagsasaayos sa sistema nito ay hindi lang para sa kapakanan ng gobyerno, kundi para na rin sa ikabubuti ng mas may karapatan dito.
Simula Hulyo, ipatutupad ng pamahalaan ang pilot testing ng Unified Persons with Disabilities (PWD) ID System sa 35 piling lungsod at bayan sa ating bansa. Layunin ng programang ito na mapigilan ang patuloy na pagkalat ng fake PWD IDs at matiyak na tanging mga lehitimong indibidwal lamang ang makakatanggap ng benepisyo.
Ayon kay National Council on Disability Affairs (NCDA) Executive Director Glenda Relova, magkakaroon na lamang ng iisang disenyo ng PWD ID na may digital at physical formats, at may kakayahang ma-verify online sa pamamagitan ng Radio Frequency Identification (RFID). Ang digital na bersyon ay maaaring i-download sa cellphone o computer, habang ang physical ID ay ipapadala sa loob ng tatlong buwan mula nang ito ay naparehistro.
Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa tinatayang P88.2 bilyong nawalang kita ng gobyerno noong 2023 bunsod ng mga pekeng PWD ID.
Sa ilalim ng bagong sistema, magiging mas mahigpit na ang proseso ng aplikasyon, dahil kinakailangan na ng medical validation, lalo na sa mga hindi halatang kondisyon gaya ng mental at psychosocial disabilities.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng pilot testing ay sa bahagi ng Pangasinan, Bulacan, Rizal, Laguna, Metro Manila, Camarines Norte, Aklan, Bukidnon, South Cotabato, at mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pangungunahan naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang inisyatiba, katuwang ang DICT, Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa bagong sistema, inaasahang mababawasan na ang maling paggamit sa pribilehiyong nakalaan para sa mga tunay na PWD. Makakatulong din ito upang magkaroon ng mas maayos na datos para sa mga serbisyong medikal, pinansyal, transportasyon at iba pa na ibinibigay ng gobyerno sa mga kababayang may kapansanan.
Sana, magtuluy-tuloy ang ganitong mga plano, maging lahat ng local government units (LGUs) ay mas maging maagap sa pagbibigay tulong sa mga totoong nangangailangan.
Sa sistemang ito hindi lamang seguridad ang ating maibibigay, kundi pagkilala sa karapatan at halaga ng bawat may kapansanan, at patunay na kabahagi pa sila ng isang makatao at inklusibong lipunan.
Marapat na maging pantay at magpakita tayo ng malasakit sa mga kababayan nating ito na pilit lumalaban sa buhay sa kabila ng kanilang mga kalagayan. ‘Wag nating hayaan maging mapang-abuso ang iilan, habang patuloy nating bigyan ng pagpapahalaga ang mga kababayang PWD.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments