Unified class suspension sa mga iskul, dapat lang
- BULGAR

- Nov 6
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 6, 2025

Sobrang halaga ng edukasyon sa bawat kabataan. Ito ang pintuan para sa mga batang nais na magkaroon ng magandang kinabukasan.
Gayunman, sa ating bansa na taun-taon na lamang nakakaranas ng bagyo, baha, pabago-bagong klima, hindi natin maiiwasan ang ganitong mga kalamidad na nagdudulot ng pinsala at iba pang pagkasira, kung saan apektado rin ang mga mag-aaral dahil sa mga suspensyon ng klase, na isa namang magandang paraan para sa kanilang kaligtasan.
Kaya tama lamang ang naging hakbang ng Department of Education (DepEd) na bumuo ng unified at science-based guidelines sa pag-anunsyo ng class suspensions.
Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang panawagang ito sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED,) Philippine Science High School System (PSHS,) at Second Congressional Commission on Education (EDCOM II ,) upang magkaroon ng pambansang protocol na magbibigay ng malinaw na batayan at koordinasyon sa tuwing may kalamidad.
Base sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), bawat dagdag na araw ng class suspension ay maaaring magpababa ng achievement score ng mga estudyante ng 12.4 puntos sa Math at 13.9 puntos sa Science. Sa loob lang ng 10 araw na walang klase, maaaring bumagsak ang marka ng isang bata mula 500 hanggang 380 — malaking agwat na tila hindi na kayang habulin ng simpleng make-up class.
Sa datos ng EDCOM II, mahigit 20 araw ng klase ang nawala noong School Year 2023-2024 dahil sa mga kalamidad, na nakaapekto sa 11 milyong estudyante o halos 42 porsyento ng populasyon ng mga pampublikong paaralan.
Hindi maitatangging ang climate change ay hindi lang banta sa kalikasan, kundi sa kinabukasan ng mga kabataan.
Bilang tugon, maglalabas ang DepEd ng DILG advisory template para sa mabilis na anunsyo ng suspensyon, magpapatupad ng reporting system sa epekto ng mga class suspension, at palalakasin ang make-up classes at Alternative Delivery Modes (ADM).
Gayunman, aminado si Angara na walang kapalit ang face-to-face learning, lalo na para sa mga batang nangangailangan ng direktang gabay ng guro.
Ang usapin ng edukasyon ay mahalagang usapin ng kinabukasan. Kung magpapatuloy ang pagkawala ng mga klase, baka sa huli, hindi lang grado ang bumaba, pati na rin ang kalidad ng pag-aaral ng mga nangangarap na mga kabataan.
Puwede namang matuto ang mga mag-aaral kahit na wala sa mga eskwelahan kung masama ang panahon, subalit kailangan nila ng mas epektibo at alternative learning methods.
Totoong dapat na inuuna ang kapakanan ng bawat mag-aaral sa oras ng kalamidad. Ngunit hindi rin dapat balewalain ang mga aralin na puwedeng mawala kung hindi ito bibigyan ng pansin. Kaya ang pagkakaroon ng malinaw, mabilis, at makabagong sistema sa class suspensions ay hakbang tungo sa resilient education system, handa sa bagyo, at hindi natitinag ng unos.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments