Search
  • BULGAR

Undas sa gitna ng pandemya, ingat pa more!

ni Ryan Sison - @Boses | October 30, 2020


Napakaraming naapektuhan ng pandemya, at kasama na rito ang mga okasyon na taun-taon nating ginugunita.


Kabilang na rito ang Undas, na kung noon ay hindi mahulugang karayom ang mga sementeryo pagdating ng ika-1 hanggang ika-2 ng Nobyembre, ngayon ay ibang-iba ang sitwasyon.


Kamakailan, ipinag-utos ng gobyerno na isara ang mga sementeryo mula kahapon hanggang Nobyembre 4 para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.


Dahil inaasahang mananatili sa bahay ang taumbayan, doon muna magtitirik ng kandila at mag-aalay ng panalangin, kaya naman nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko hinggil dito.


Paalala ng BFP, ilayo sa nakasinding kandila ang mga bagay na madaling magniningas at kung maaari, ilagay ang kandila sa plangganang may tubig at magtabi ng tubig na pamatay ng sunog at malapit sa nakasinding kandila.


Base sa datos ng BFP mula 2013 hanggang 2019, pumalo sa 96 kada taon ang mga sunog na sanhi ng napabayaang kandila sa panahon ng Undas.


Sa listahan ng mga sanhi ng sunog, pangalawa ang kandila sa electrical connections.


Hirit naman ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), ilayo ang kandila sa kurtina dahil base sa kanilang datos, pumapalo sa 250 hanggang 300 ang sunog sa Maynila kada taon, at karamihan dito ay dahil sa napabayaang kandila.


Pakiusap naman natin sa publiko, makinig at sundin ang mga paalala ng kinauukulan kung kaya naman. Gayundin, mainam na ilayo ang mga kandila, posporo at lighter sa mga bata para hindi paglaruan.


Iwasang maging mitsa ng trahedya ang araw para sa pag-alala sa ating mga yumaong mahal sa buhay, gayung nahaharap pa tayo sa pandemya. Gawin natin ang ating makakaya upang maging makabuluhan ang paggunita sa Undas kahit tayo ay nasa tahanan lang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.