Unang-una sa studio… PAOLO, 7 AM PA LANG, NASA EAT BULAGA NA!
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 28, 2023

Bagama’t hindi madali, puno ng stress at pressure ang pagho-host ng bagong Eat… Bulaga! ng GMA-7 araw-araw ay nakaya naman ito ni Paolo Contis.
Malaking pagbabago at adjustment ito para sa kanya dahil kailangan niyang gumising nang maaga.
Dapat by 7 AM ay nasa studio na siya ng EB! upang paghandaan ang kanyang segment.
Sa katunayan, si Paolo ang unang dumarating sa mga hosts ng nasabing programa.
Bago niya tinanggap ang offer ng EB! ay inilatag muna ni Paolo sa TAPE, Inc. ang kanyang mga naunang commitments na tinanggap.
Hindi niya puwedeng iwan at isakripisyo ang Bubble Gang dahil matagal na siyang bahagi ng nasabing gag show.
May mga movie projects din siya sa MAVX Productions at aalis siya papuntang Australia upang mag-shoot ng kanyang bagong pelikula.
Halos isang linggo ring mananatili si Paolo ru’n, pero gagawa ito ng paraan upang magkaroon pa rin siya ng participation sa EB!. Mag-a-advance taping na lang siya para sa kanyang segment.
Abala naman ngayon si Paolo sa pagpo-promote ng latest film niya na Ang Pangarap Kong Oskars na showing na ngayong Miyerkules (June 28) in theaters nationwide.
Sila ni Joross Gamboa ang mga bida sa nasabing pelikula at ito ay mula sa direksiyon ni Jules Katanyag, produced by MAVX Productions.
Masuwerte pa rin si Paolo dahil kahit kontrabida siya sa mata ng publiko ay kinukuha pa rin siyang bida sa mga pelikula ng MAVX Productions.
Well, nababalanse naman ng kanyang pagiging comedian ang kontrabida image niya.
Marami pa rin ang naaaliw sa pagpapatawa ni Paolo.





Comments