Unang paggunita sa National Press Freedom Day sa Pilipinas
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 31, 2022
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginunita natin kahapon ang National Press Freedom Day na working holiday. Mahaba ang naging kasaysayan para ganap itong maipatupad na isa sa pinakamimithi ng marami nating kapatid sa pamamahayag sa buong bansa.
Ito nga ay nagkaroon ng katuparan nang tuluyan ng maging ganap na batas ang pinagsikapan nating panukala hinggil sa National Press Freedom Day na buong puso nating ipinagpasalamat sa mga Senador ng 18th Congress.
Bilang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 670, or An Act declaring August 30 of Every Year as National Press Freedom Day ay isa ito sa napakaraming panukala na ating isinumite sa mga unang araw na muli tayong mahalal at mabalik sa Senado noong taong 2019.
Sa napakarami ng ating isinumiteng panukala ay masasabi nating isa ito sa ating mga tinutukan dahil maliban sa matagal na itong pinupursige ng National Press Club at iba pang media organizations, personal tayong paniniwala na kailangang kilalanin at palaging gunitain ang kalayaan ng pamamahayag sa Pilipinas.
Bilang pasasalamat, Hunyo 23, 2022 ay binigyan tayo ng National Press Club (NPC) ng Plaque of Recognition dahil sa maayos umano nating palakad at trabaho bilang Chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa panahon ng 18th Congress.
Ito ay dahil sa ipinaglaban natin ng pukpukan sa mga kapwa natin Senador kung bakit napapanahon na para maging batas ang Republic Act No. 11699 o ang National Press Freedom Day at sa awa ng Panginoon ay napagtagumpayan naman natin.
Sa mga walang kaugnayan sa pamamahayag, marahil ay nagtatanong kayo kung bakit sa dinami-rami ng araw ay Agosto 30 natin piniling ipagdiwang ang okasyong ito. Layunin kasi ng ating panukala na itaon ang pagdiwang ng kalayaan natin sa pamamahayag sa kaarawan ng ating bayaning si Marcelo H. Del Pilar na itinuturing na ‘Father of Philippine Journalism’.
Si Marcelo Hilarion del Pilar y Gatmaitan ay ipinanganak noong Agosto 30, 1850 sa Cupang, San Nicolas, Bulacan ng mag-asawang Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Dona Blasa Gatmaitan na kapwa nagmula sa mayamang angkan.
Si del Pilar na bunso sa sampung magkakapatid ay unang nag-aral sa Colegio de San Jose at nagpatuloy sa University of Santo Tomas at taong 1880 siya nagtapos sa kursong abogasya, bukod sa pagiging matalino ay tumutugtog din ito ng iba’t-ibang instrumento at mahusay ding kumanta.
Hulyo 1, 1882, itinatag niya ang ‘Diariong Tagalog’ noong 1882 kung saan siya ay nakilala bilang si Plaridel na ginagamit niya sa kaniyang mga panulat at dito niya binabatikos ang walang habas na pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.
Ibinulgar ni del Pilar ang kalupitang dinaranas ng marami nating kababayan at hindi siya nagsawa sa pagsusulat dahil sa pag-asang isang araw ay makakamit natin ang kalayaan sa kuko ng mga mapang-aping naghaharing-uri ng mga panahong iyon.
Taong 1888 ay naobligang tumakas si del Pilar patungong Espanya dahil hindi na siya tinantanan ng mga Kastila na patuloy siyang inuusig dahil sa walang takot niyang pagbubunyag sa hindi nila makataong gawain at sa Espanya ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsusulat.
Disyembre 15, 1889 ay binili ni del Pilar kay Lopez Jeana ang ‘La Solidaridad’ at siya ang naging patnugot at humaliling editor mula 1889 hanggang 1895—isang pampulitikang pahayagan na inilalathala minsan tuwing ikalawang linggo na siyang nagsilbing tinig ng kilos propaganda na nagbunyag sa kalagayan ng bansa.
Dahil sa paglalathala ng La Solidaridad ay unti-unting naubos ang kabuhayan ni del Pilar at umabot siya sa puntong hindi na siya nakakakain ng sapat na maging ang kaniyang pagtulog ay hindi na niya magawa dahil sa labis na pagpupursigeng mailathala ang mga katiwalian sa bansa.
Sa ganitong kalagayan siya binawian ng buhay dahil sa sakit na tuberculosis sa isang maliit na pagamutan sa Barcelona, Espanya noong Hulyo 4, 1896 sa edad na 46 lamang at sadyang tinalikuran nito ang dapat ay marangya niyang pamumuhay para sa bayang sinilangan.
Ngayon marahil ay maliwanag na sa inyo, lalo na sa kabataan, kung bakit nararapat lang na gunitain natin ang National Press Freedom Day sa araw ng kaniyang kaarawan-upang maalala natin si Plaridel ang ‘Dakilang Propagandista’ na ginugol ang halos buong buhay niya sa pagsusulat lamang.
Sa lahat ng kasalukuyang mamamahayag sa buong bansa, kasama kayo sa inspirasyon ko para maisakatuparan ang batas na ito at bilang pagsaludo na rin sa matapang at tapat na pamamahayag sa bansa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments