top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Unahin natin ang kaligtasan ng mga nagmumotorsiklo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 10, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 10, 2021



Mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan ay hindi nawawala ang hilig sa pagmomotorsiklo at may mga araw na kapag hindi naman abala ay may ilang grupo tayong kasama na bumibiyahe out of town gamit ang motorsiklo hanggang ngayon.


Therapeutic ang pagmomotorsiklo, nananatiling mabilis ang reflexes at pakiramdam ko ay hindi ako tumatanda kaya marami sa aking ginawang pelikula ay may gamit na malalaking motorsiklo.


Kaya nga iniakda natin ang helmet law dahil hango ito sa personal nating karanasan kung gaano karami ang namamatay sa aksidente sa pagmamaneho ng motorsiklo dahil lamang sa walang suot na helmet.


Kaya ngayong muling umiinit ang usapin hinggil sa pagpapatupad nitong ‘doble plaka’ o ang RA 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act ay ramdam na ramdam din natin ang sintemyento ng marami sa ating kababayan na nagmamaneho ng motorsiklo.


Hindi naman tayo tutol sa magandang layunin ng batas na ito na ginawang mas malaki ang plaka, mas madaling mabasa, color-coded, may RFID sticker, QR code at reflectorized sheeting.


Higit kasing mas malaki ang bagong plakang nais ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) na may sukat na 135mm by 85mm na ikakabit sa harap mismo ng motorsiklo at sa likod naman ay may mas malaking sukat na 235mm by 135mm.


Maganda sa unang tingin ang layunin ng ‘doble plaka’ dahil kahit malayo ay madaling mabasa kahit mabilis na umaandar at puwede itong makabawas sa krimen tulad nang paghuli sa mga notoryus na riding-in-tandem, nakaw na motorsiklo at iba pa.


Hindi naman sa nagbibigay tayo ng ideya ngunit alam ng pulisya na kapag gagawa ng krimen ang masasamang loob ay gumagamit sila ng mga pekeng plaka na karaniwang natatagpuan sa mga narekober na kotse.


Kaya ang sinasabing buting dulot ng ‘doble plaka’ ay hindi sulit kumpara sa mas napakahalagang kaligtasan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo na buhay ang puhunan partikular ang mga mahihirap nating kababayan.


Unang-una ay walang matibay na pagkakabitan ang ganyang kalaking plaka sa harap ng motorsiklo at lantad na lantad ito sa malakas na buga ng hangin at lalaban ito habang bumibilis ang takbo ng motorsiklo.


Hindi tulad sa ibang bansa na may plaka nga sa harap ng motorsiklo ngunit nakatagilid naman upang umayon sa daloy ng hangin at hindi kasing laki ng nais ipatupad ng LTO.


Sa paglaban ng plaka sa hangin ay malaki ang posibilidad na kalaunan ay lumipad ang plaka at tamaan sa mukha ang nagmamaneho ng motorsiklo na humantong sa mas malaking aksidente.


Mas masaklap pa kung sa paglipad ng plaka ay tamaan ang isang tumatawid lang o nakatayo sa gilid ng kalsada na hindi pa natin matiyak kung senior citizen o mga batang walang malay at naglalaro lang.


Alam ng LTO na mula sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), na ang pagmomotorsiklo ay pang-siyam sa sampung nakamamatay sa ating bansa ngunit ito lamang ang tanging hindi natural na kamatayan.


Unang ay ang Ischemia, cancer, pneumonia, cerebrovascular diseases, hypertension, diabetes, iba pang heart ailments, respiratory tuberculosis, chronic lower respiratory infections at diseases of the genitourinary system.


Maging ang ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay umaabot sa 31, 279 ang naitala nilang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo sa loob lamang ng isang taon at pumapatak ng 86 kaso kada araw.


Tapos dadagdagan pa natin ng panibagong mitsa ng aksidente dahil nais nating ipilit itong ‘doble plaka’ na ito na baka naman puwedeng muling pag-aralan.


Mabuti ang mga mayayaman ay puwedeng magkotse kung ayaw maaksidente dahil sa nakabalagbag na plaka sa harap ng motorsiklo, eh, paano naman ‘yung mga kababayan nating mahihirap na walang ibang sasakyan at mga naghahanapbuhay na gamit ang motorsiklo?


Isaalang-alang naman natin ang kanilang kaligtasan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page