top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Umuwing OFWs mula sa Lebanon at Kuwait, patuloy na suportahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 7, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 7, 2024



Boses by Ryan Sison

Mabuti at ligtas na nakauwi sa Pilipinas ang 99 overseas Filipino workers (OFWs) na mula Lebanon at Kuwait. Sakay ng Qatar Airways Flight QR934, ang mga OFW ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Huwebes, September 5. 


Sa isang post sa social media, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang grupo ay binubuo ng 20 OFWs na mula sa Lebanon habang 79 Pinoy worker naman mula sa Kuwait, kabilang ang limang dependents.


Ang mga repatriated OFWs ay agad na sinalubong ng kagawaran at binigyan ng agarang tulong gaya ng pagkain, transportasyon, at hotel accommodation sa mga kinakailangan.

Nangako naman ang OWWA na kanilang aasistehan ang mga OFW na nais makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.


Nananatili ring nakatuon ang pamahalaan sa kanilang mga repatriation effort at pagbibigay ng suporta para sa mga distressed OFW na gustong umuwi ng ‘Pinas, partikular na ang mga nakaranas ng hirap sa ibang bansa.


Ang OWWA ay isang attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE), na siyang nagpoprotekta at nagtataguyod ng kapakanan ng mga OFW at kanilang mga dependent.


Kaugnay nito, hiniling na ng Philippine Embassy sa Beirut, sa mga OFW doon na isaalang-alang ang pag-alis sa Lebanon sa gitna ng nangyayaring sigalot sa pagitan ng Israel at Hezbollah, kung saan suportado ng Iran.


Ayon sa embahada, patuloy naman ang pagpapalawig nila ng kanilang mga serbisyo at suporta sa mga ito, lalo na sa mga OFW na nasa remote areas.


Salamat sa kinauukulan na nagawa nilang ma-repatriate nang maayos at safe ang marami nating kababayang Pinoy worker na galing sa Lebanon at Kuwait.


Hindi kasi biro na maipit sa gulo sa pagitan ng mga nag-aaway na mga bansa ang mga OFW na tanging hangad lamang ay magtrabaho at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.


Gayunpaman, ngayong wala silang hanapbuhay at pagkakakitaan dahil naririto sa ‘Pinas, sana ay patuloy ang gawing suporta ng pamahalaan sa kanila. 


Alalahanin sana nila na hindi lamang sa pagpapauwi sa mga kababayang OFW natatapos ang kanilang mga trabaho, kundi ang pagpapanatili o tuluy-tuloy na pagtulong at serbisyo nila sa mga mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page