top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Uminit ang tingin ni Curry sa Utah Jazz; Spurs, matibay

  • BULGAR
  • May 12, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 12, 2021




Pansamantalang inantala ng Golden State Warriors ang pormal na pagsungkit ng Utah Jazz ng numero unong kartada sa buong NBA matapos manggulat kahapon, 119-116, sa tampok na laro mula sa Chase Center. Bumida si Stephen Curry at ipinasok ang limang puntos ng Warriors sa huling 14.5 segundo para sa 36-33 panalo-talo.

Nagtapos si Curry na may 36 puntos at sinundan ni Jordan Poole na may 20 puntos. Nasayang ang 24 ng 41 puntos ni Jordan Clarkson sa 4th quarter kung saan pinatikim niya sa Jazz ang kanilang huling lamang, 116-114, at 1:11 sa orasan subalit namintis niya ang tres sa huling segundo na aagaw sana sa tagumpay.

Malaking dagok ang idinulot ng San Antonio Spurs sa Milwaukee Bucks, 146-125, at ilagay sa peligro ang pag-asa ng Bucks na maagaw ang numero unong puwesto sa East. Pinangunahan ni DeMar DeRozan ang Spurs na may 23 puntos habang limang iba pang kakampi ang nagtala ng 19 o higit pang puntos upang patibayin ang hawak ng Spurs (33-25) sa ika-10 puwesto sa West at makasama sa State Farm Play-In Tournament sa Mayo 19 hanggang 22.

Bumuhos ng 50 puntos sa first quarter pa lang at lumayo ng bahagya ng Portland Trail Blazers para sa ika-anim na puwesto sa West at dinurog ang kulelat na Houston Rockets, 140-129. Nanguna si Damian Lillard na may 34 puntos mula sa anim na tres at nag-ambag ng tig-28 puntos sina CJ McCollum at Norman Powell.

Itinulak ng Memphis Grizzlies sa alanganin ang New Orleans Pelicans, 115-110. Gumawa ng 18 puntos si Nickeil Alexander-Walker at sinundan ni Willy Hernangomez na may 15 puntos upang takpan ang pagliban nina Zion Williamson (daliri), Brandon Ingram (bukong-bukong) at Steven Adams (daliri sa paa).

Kumapit ng husto ang Atlanta Hawks upang maiwasang mapahiya sa bisitang Washington Wizards, 125-124, salamat sa apat na free throw ni John Collins sa huling minuto upang magtapos na may 28 puntos at tulungan si Trae Young na may 36 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page