Umatras bilang senador… NOLI, BALIK-KAPAMILYA
- BULGAR
- Nov 5, 2021
- 2 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 5, 2021

Pagkatapos lisanin ni Noli de Castro ang kanyang programang Kabayan sa TeleRadyo (dating DZMM) noong October 7, dahil sa kanyang pagtakbo sana bilang senador sa 2022 elections, magbabalik muli ang dating news anchor-commentator sa kanyang iniwang morning show.
Matatandaang nag-withdraw na ng kanyang kandidatura 5 days after filing his Certificate of Candidacy (COC) si Kabayan Noli.
Nitong Huwebes (November 4), ibinahagi ni Noli sa kanyang Instagram ang isang maikling video kung saan makikita siyang nasa isang dalampasigan.
Sa caption, sinabi ni Noli na babalik na siya sa TeleRadyo sa Lunes, November 8.
Base sa kanyang caption, “Salamat po, sa kaunting pagkakataon na ma-enjoy ko ang beach, bago bumalik muli sa Teleradyo sa Lunes, kita-kits kabayan [smile emoji].”
Bukod sa Kabayan, kinakailangan din niyang iwan ang primetime news program na TV Patrol na ilang dekada na rin siyang parte dahil sa ambisyong maging senador.
Matatandaang naging emosyonal pa si Noli noon sa kanyang farewell message at bahagi ng kanyang pamamaalam, “Matapos ang malalalim na pagsusuri at taimtin na pagdarasal, ako po ay nagdesisyong tumakbo bilang senador sa halalan sa susunod na taon.
"At dahil sa hakbang na ito, kinakailangan kong iwan ang TV Patrol at ang ABS-CBN para ipagpatuloy ang serbisyo publiko sa ibang larangan."
Ang mensahe naman ni Noli noong October 13 sa kanyang pag-atras, “Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura.
"Gayunpaman, HINDI PO NAGBAGO ANG AKING LAYUNIN AT HANGAD PARA SA BAYAN.
"Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag."
Dahil dito, may kumalat na balitang hindi na makakabalik sa ABS-CBN si Noli lalo na sa TV Patrol dahil ipinalit sa kanya si Karen Davila na iniwan naman ang Karen's The World Tonight sa ANC bilang news anchor.








Comments