Umamin sa naging problema sa pamilya… NIKKI, MAY PAYO SA MGA ANAK NA 'DI MAPATAWAD ANG MAGULANG
- BULGAR
- Dec 28, 2022
- 2 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 28, 2022

Namugto ang mga mata namin paglabas ng sinehan matapos naming manood kahapon ng CineKo Productions' entry sa MMFF 2022, ang Family Matters na pinagbibidahan ng dalawang veteran stars na sina Noel Trinidad at Liza Lorena.
May pagka-sadista rin kami, 'no?! Sa trailer pa lang, alam na naming mapapaiyak kami ng mga linyahan at galing sa pag-arte ng mga kasamang artista rito, pero ito pa rin ang una naming pinanood sa lahat ng entries dahil gusto namin ang mga kuwentong pampamilya na may hatid na Filipino values.
Napakalinis at napakaganda ng pagkakatahi ng istorya ng Family Matters, natural na natural na nangyayari sa bawat pamilyang Pilipino ang mga eksena, lalo na ang kinauuwian ng mga magulang 'pag tumatanda na.
Walang manonood ang hindi makaka-relate sa istorya ng Family Matters, at tiyak na mas malakas ang suntok sa dibdib ng kuwento sa mga senior citizens or sa ating mga lolo't lola.
At lahat ng cast na bumuo sa pelikula, wala kang itulak-kabigin, ang gagaling nila, pramis!!!
Mula kina Noel at Liza na gumanap na mga magulang, hanggang sa mga anak na sina Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Nikki Valdez at JC Santos, mga asa-asawa nilang sina Agot Isidro, James Blanco at Anna Luna at mga apo, lahat may kani-kanyang moment.
Kaya nang magkita kami sa CR ni Nikki Valdez after ng private screening kahapon ng Family Matters sa Gateway Mall, 'di na talaga kami nakatiis na i-congratulate siya at mga kasama sa movie.
At sa CR na rin kami nagkatsikahan-nag-interbyu nang slight (hehe!) tungkol sa buhay niya.
May isang interview pala kasi si Nikki na naikuwento niya ang kanyang IVF journey kung saan hindi ito naging successful after ng 2 trials.
Aba, siyempre, 'di naman barya-barya ang gastos du'n, 'no? Kaya mage-gets mo talaga kung na-disappoint man si Nikki dahil akala nila ng mister niya ngayon ay mabubuo na ang kanilang first baby, pero nu'ng ita-transfer na raw, ayun nga, failed kaya na-depress daw siya.
Actually, may isang anak na si Nikki sa previous husband niya na isang Canadian, pero sa husband niya ngayon na isang Filipino, hindi pa sila nagkaka-baby, kaya ipinagpapasa-Diyos na lang daw ni Nikki.
Hindi naman siya sumusuko at naniniwala siyang at the right time, ibibigay pa rin ni Lord ang hiling nila ng mister.
Samantala, dahil tungkol sa relasyon ng pamilya ang kuwento ng Family Matters, nahingan namin si Nikki ng puwede niyang mai-advise sa mga anak na nakakasamaan ng loob ang mga magulang at hindi mapatawad.
Oh, 'di ba, maraming ganyang kuwento kahit nga sa mga celebrities natin na hindi pinahahalagahan ang magulang at minsan, nakikipagmatigasan pa at ayaw makipag-ayos, devah-devah?
So, ang emosyonal na payo ni Nikki, ang magulang daw ay magulang kahit ano pang mangyari at kahit ano pang pagkakamali nila. Kailangan lang daw ng pag-uusap at pagpapatawaran para magkaayos ang isang pamilya.
Siya man daw ay dumaan din sa ganitong problema ng pamilya nila nu'ng bata-bata pa siya pero na-realize rin niya ang kanyang pagkakamali at itinuwid niya 'yun at pinahalagahan ang kanyang mga magulang.
Oh, well, kaya maganda talagang panoorin ng buong pamilya ang Family Matters dahil ang dami nga nating matututunan sa pelikulang ito.
At natutuwa kami dahil bumalik na ang interes ng manonood, ang haba na ng pila sa mga sinehan at excited sila sa panonood ng mga entries sa MMFF 2022!
Balik-saya na talaga ang MMFF ngayon! Mabuhay!




Comments