Umabot na raw sa 9… ION, NAGPAPA-TATTOO ‘PAG BORED O PROBLEMADO
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | July 15, 2026

Photo:IG _praybeytbenjamin
Gumagaan daw ang pakiramdam ng It’s Showtime (IS) host na si Ion Perez, mister ni Vice Ganda, kapag nagkaka-tattoo, kaya hindi na nakapagtatakang nagpalagay siya ng panibagong tattoo na may espesyal na kahulugan para sa mga pinakamahahalagang tao sa kanyang buhay.
Sa isang segment ng IS, napag-usapan ang mga tattoo ni Ion.
Tinanong ni Vice Ganda si Ion, “Ilan na ang tattoo mo?”
“Siyam na ngayon,” sagot ni Ion.
Nang tanungin kung bakit siya mahilig magpa-tattoo, sinabi ni Ion, “Minsan, nagpapa-tattoo ako ‘pag nababagot ako o ‘pag may problema. Pero ngayon, ‘yung pang-siyam, galing talaga sa puso ko.”
Ito ang tattoo niya sa binti na date of birth ni Vice.
Dagdag pa ni Jhong, “‘Pag ipina-tattoo mo ‘yan, nakatatak na talaga sa katawan mo.”
Tinanong din ni Jhong kung ano ang nasa isip ni Ion habang ipinapagawa ang tattoo.
“Wala naman, Kuya. Medyo may konting sakit, pero pagkatapos nu’n, gumaan ang pakiramdam ko, kasi nailagay ko na ang mga mahahalagang tao sa buhay ko,” ani Ion.
Samantala, tinanong ni Vhong si Vice kung ano ang naging reaksiyon nito nang malaman niyang ipina-tattoo ni Ion ang kanyang birthda.
“S’yempre, nu’ng una, nagalit ako,” pag-amin ni Vice.
“Bakit ka nagalit?” usisa ni Vhong.
Pabirong sagot ni Vice, “Sabi ko, ‘You didn’t have to do that.’ Tapos, tinanong ko kung magkano ang tattoo. Sabi n’ya, P1,500, kaya sobra akong na-touched.”
In fairness, winner talaga si Vice Ganda sa puso ni Ion.
Pak, ganern!
IBINAHAGI ng komedyanteng si Ate Gay ang magandang balita tungkol sa kanyang kalusugan at nagpaabot ng malaking pasasalamat sa Diyos.
Sa kanyang social media post, masaya niyang ibinalita na mabilis umano ang naging resulta ng kanyang ginagawang paggamot gamit ang CyberKnife sa Asian Hospital.
Ayon kay Ate Gay, malaki ang kanyang pasasalamat sa naging epekto ng paggamot at sa kanyang doktor.
“Napakagaling ng CyberKnife at ng doctor ko sa Asian Hospital. Ang bilis maghilom ng bukol ko. Oh, 1 session pa lang ‘yan. Thank you, Lord. Today is my 2nd,” saad ni Ate Gay.
Samantala, sa kanyang pinakabagong post, nilinaw ni Ate Gay na hindi pa siya tuluyang gumagaling mula sa cancer.
Gayunpaman, sinabi niyang mas malakas na ang kanyang pakiramdam habang patuloy siyang sumasailalim sa gamutan.
Itinuwid niya ang mga ulat na nagsasabing tuluyan na niyang nalampasan o napagtagumpayan ang cancer.
Ayon kay Ate Gay, “‘Di pa po ako cancer-free. Nagsa-CyberKnife pa po ako at immunotherapy. But malakas na po ako at nagkakalaman na muli ang aking pangangatawan. Ang bongga ng CyberKnife dahil ang 35 beses kong radiation nu’n, sa kanya, 5 times lang.
“Salamat, Lord Jesus, sa pang-araw-araw na buhay. Napakasaya ko na kapiling ang aking mga katrabaho, pamilya, at madlang Dabarkads. Salamat sa aking mga anghel na patuloy ang paggabay sa akin.”
Praying for your fast recovery, Ate Gay. God bless you!
‘Yun lang, and I thank you.





Comments