Ultimate Strikers, tuloy sa Nat'l Muaythai Kick Boxing
- BULGAR
- Sep 16, 2022
- 2 min read
ni MC - @Sports | September 16, 2022

Kumpiyansa ang pamunuan ng National Muaythai Kick Boxing Council na mas magiging matagumpay ang kaunlaran ng combat sports kung maipaliliwanag ng maaga sa Pinoy partikular sa mga magulang ang buting maidudulot sa karakter at katauhan ng kabataan.
Ayon kay NMKBCP founding president Emmanuel "The Animal" Sabrine, tulad ng boxing at iba pang combat sports, ang muay ay sports na nagsusulong din ng disiplina upang mahubog ng tama ang karakter ng kabataan.
“Tulad ng ibang contact sports, hindi lamang tungkol sa self-defense ang layunin namin sa NMKBCP. Hinuhubog namin ang disiplina at kaisipan ng atleta upang maging isang huwarang mamamayan. Kaya marapat lamang na maaga pa lang maituro na sa mga magulang ang kabutihan ng kanilang mga anak sa sandaling pumasok sila sa sports tulad ng muay,” pahayag ni Sabrine sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports na itinataguyod ng Philippine Sports Commissioner, PAGCOR at isinaere ng live ng TV8 Channel 45 ng PIKO apps kahapon sa Behrouz Rest. sa Timog, Quezon City.
Aniya, ang NMKBCP ay nagsasagawa ng mga regular na pagsasanay at torneo para sa mga praktisyoner ng Muay Thai, Kickboxing, Boxing at MMA, sa iba't-ibang rehiyon at lalawigan, at kalakhang Maynila upang maituro ng tama ang naturang sports. Kabilang sa inorganisa ng grupo ang Ultimate Strikers Championship (USC) mula pa noong 2007 sa Las Pinas.
Ilan sa mga nakalahok sa USC ay nabigyan ng mga pagkakataon na makaangat at makalaro laban sa mga kilalang propesyonal na liga ng Martial Arts dito sa bansa at maging sa mga kompetisyong international.
“Bago umakyat sa ONE FC si Denice Zamboanga, naglalaro siya sa mga tournament namin,” ayon kay Sabrine sa lingguhang sports forum sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Pagcor at Behrouz. Kasama ni Sabrine sa forum ang dalawa pang opisyal ng grupo na sina Victor Dela Riva at Michael Carabeo.








Comments