top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Ulsan Hyundai kampeonsa 2020 AFC Champions League

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 22, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 22, 2020





Balik muli sa trono ng kampeon ang Ulsan Hyundai ng Timog Korea matapos magwagi sa 2020 AFC Champions League laban sa Persepolis ng Iran, 2-1, noong Sabado ng gabi sa Al Janoub Stadium ng Doha, Qatar. Ipinasok ni Brazilian forward Junior Negrao ang dalawang goal para mahatid ang pangalawang kampeonato ng koponan matapos ang kanilang unang tagumpay noong 2012.


Mula sa tablang laban, 1-1, inagaw ni Negrao ang lamang sa bisa ng kanyang penalty kick sa ika-55 minuto buhat sa handball violation ni Mehdi Shiri. Mula roon ay tumibay lalo ang kanilang depensa kahit ilang beses nagtangka ang mga Iranian na makabawi.


Nakauna ang Persepolis sa pamamagitan ng malakas na sipa ni Mehdi Abdi sa ika-45 minuto. Pagsapit ng dagdag oras, nahuli si Shiri na sinipa sa likod si Yoon Bit-Garam kaya tinawagan ito ng penalty.


Sinangga ni goalkeeper Hamed Lak ang sipa ni Negrao subalit gumulong ang bola pabalik para madali niyang ipasok ito eksakto bago ang pito na hudyat ng pagtapos ng first half. Tinapos ni Negrao ang torneo na may pitong goal habang si Yoon ang hinirang na Most Valuable Player.


Sinimulan ng Ulsan ang kanilang kampanya noong Pebrero 11 sa isang 1-1 tabla sa FC Tokyo, ang parehong koponan na tumalo sa Ceres Negros ng Pilipinas sa qualifier. Mula doon ay winalis ng Ulsan ang lahat ng kanilang siyam na laro patungo sa korona.


Kakatawanin na ng Ulsan ang Asya sa 2020 FIFA Club World Cup na gaganapin sa Qatar din sa bago nitong petsa na Pebrero 1, 2021. Mag-uuwi din sila ng gantimpalang $4,000,000 (P192,313,280).


Magbabalik ang mas pinalawig na AFC Champions League sa 2021 tampok ang 40 koponan mula sa dating 32. Pasok na agad sa listahan ang kampeon ng 2020 Philippines Football League (PFL) United City habang dadaan sa qualifying round ang pumangalawang Kaya Iloilo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page