top of page
Search
  • BULGAR

Uling Roasters, kampeon sa 3rd Leg ng 3X3 Presidents Cup

ni Anthony Servinio - @Sports | October 27, 2020




May mga bagong mga hari sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng 2020 Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM sa katauhan ng Uling Roasters-Butuan na binigo ang Sta. Lucia Realtors-Pasig, 21-20, salamat sa nagpapanalong dalawang puntos ni Franky Johnson Linggo ng gabi. Maliban sa kampeonato, inagaw ng Butuan ang pangkalahatang liderato ng torneo papasok sa ika-4 na yugto ngayong araw sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna simula 1:00 ng hapon.


Nilusutan ni Johnson ang mahigpit na depensa ni Jeckster Apinan para ipasok ang bola na may 17 segundong nalalabi. Bago noon, pumuntos sina Jerald Bautista at Felix Apreku para itulak ang Realtors sa 20-19 na kalamangan bago namayani si Johnson.


Nagsabog ng walong puntos si Butuan playing coach Chico Lanete para manatiling dikit ang buong laban habang may anim na puntos si Johnson. Nagdagdag ng apat si Chris de Chavez habang may tatlong puntos si JR Alabanza sabay ang kanyang depensa sa mas matangkad na Realtors.


Malaki rin ang naging papel ni Johnson sa 21-18 panalo ng Butuan sa quarterfinals kontra Master Sardines-Bacolod. Pinasok niya ang kanilang huling 5 puntos upang kumalas sa 16-16 na tabla.


Ginulantang ng Pasig ang buong torneo sa kanilang 21-18 tagumpay sa numero unong koponan Family’s Brand Sardines-Zamboanga City sa quarterfinals para matigil ang kanilang 12 sunod-sunod na panalo buhat pa noong simula ng torneo. Pinasok ng Realtors ang huling 10 puntos ng laban upang humabol mula sa 10-18 na pagkalugmok sa pamamagitan ng mga free throw bunga ng maraming foul ng Zamboanga.


Taglay ang bagong inspirasyon, dinurog ng Pasig ang Palayan City Capitals sa semifinals, 21-9. Nakapasok ang Capitals sa semifinals sa unang pagkakataon matapos pabagsakin ang Nueva Ecija Rice Vanguards sa quarterfinals, 21-14.


Samantala, pinasok ni Janus Lozada ng Petra Cement-Roxas ZN Rockies ang lahat ng 10 bola para mag-kampeon sa Two-Point Shootout habang nananatili sa kamay ni David Carlos ang korona sa Slam Dunk Contest. Ginawaran ang Capitals para sa kanilang pinakamabilis na panalo kontra sa Rockies sa group stages.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page