top of page
Search
  • BULGAR

U.S.A., Serbia, Tsina at New Zealand, abangan!

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 28, 2023



Mga laro ngayong Lunes

4:00 PM Tsina v. Timog Sudan (Araneta)

4:45 PM New Zealand v. Jordan (MOA)

8:00 PM Puerto Rico v. Serbia (Araneta)

8:40 PM Gresya v. Estados Unidos (MOA)


Hindi pa rin makapaniwala si Austin Reaves ng Team USA na isang kabataan buhat sa maliit na bayan ng Newark, Arkansas na bibigyan ng pagkakataon na katawanin ang bansa sa 2023 FIBA World Cup matapos maukit ng kanyang koponan ang 99-72 panalo sa New Zealand Sabado ng gabi sa Mall of Asia Arena.


Hahanapin ngayon ang kanilang ikalawang tagumpay sa pagharap nila sa Gresya, ang napipisil na magiging pinakamabigat nilang makakalaro sa Grupo C sa 8:40 p.m. Galing din ang mga Griyego sa 92-71 pagdurog sa Jordan at nakataya ngayon ang solong liderato at itapak ang isang paa sa susunod na bahagi ng torneo.


Nakatanggap si Reaves ng pinakamalakas na sigaw at palakpak mula sa mga tagahanga, patunay ng kasikatan ng kanyang koponan sa NBA na Los Angeles Lakers. Ayon kay Reaves, naikwento sa kanya ni Lakers assistant coach Phil Handy ang kanyang karanasan noong dumalaw siya sa Pilipinas kamakailan upang magdaos ng mga seminar.


Para sa mga Griyego, nais nilang patunayan na hindi lang ang lumiban na si Giannis Antetokoumpo at marami pa silang mga mahuhugot na sandata. Nandiyan sina Giannoulis Larentzakis, Ioannis Papapetrou at naturalized Thomas Walkup.


Sa isa pang aabangang laro, mag-uunahan para sa unang panalo ang Tsina at Timog Sudan na parehong lumasap ng kabiguan noong Sabado. Tinambakan ang Tsina ng Serbia, 105-63, habang dumaan ang Timog Sudan sa overtime bago lumuhod sa Puerto Rico, 101-96.


Malaking bagay ang hindi pagpuntos ng naturalized ng Tsina Kyle Anderson. Ang beterano ng Minnesota Timberwolves ay may lolo sa tuhod na Intsik. Para sa Timog Sudan, nasayang ang magandang ipinakita ng kanilang mga NBA player Carlik Jones at Wenyen Gabriel.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page