TVJ SINABIHANG MASYOSYONDA NA, JOEY NAPIKON, RUMESBAK
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 27, 2023

Medyo napikon at ‘di naiwasan ni Joey de Leon na pumalag sa patutsada ng isang netizen laban sa TVJ na dapat na raw silang magretiro dahil matatanda na.
Ipaubaya na raw ng tatlong veteran hosts sa mga mas bata ang pagho-host ng noontime show. Iba na raw ngayon ang gusto ng makabagong henerasyon ng mga viewers. Bagong diskarte na raw ang gusto nilang makita at mapanood.
Pero, kinontra ito ng mga diehard fans at loyal followers ng TVJ. Mas gusto raw nila ang style sa pagho-host nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa Eat… Bulaga!.
Nakasanayan na nila na sa loob ng mahigit apat na dekada ay ang TVJ ang napapanood nila tuwing tanghali.
At nakadagdag sa saya ng EB! ang pakuwela ng mga Dabarkads na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Allan K., Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo at Ryzza Mae Dizon.
May buwelta naman si Joey sa mga bashers ng TVJ na nagsasabing magretiro na sila at ipaubaya na lang sa mga bata ang pagho-host ng noontime show dahil ang tatanda na raw nila.
Sey ni Joey, “Kung gusto ng mga seniors na gumalaw-galaw pa at marami pang puwedeng gawin, bakit kailangang pigilin? At least, tumanda man ang TVJ ay may pinagkatandaan naman.
“Marami kaming pinapasayang viewers. Pantayan muna ng mga batang hosts ang record ng TVJ na tumagal ng mahigit 44 years bilang noontime show hosts!"





Comments