TV5, umatras… AMBS, GAME MAKIPAG-COLLAB SA ABS-CBN
ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 16, 2022

"Maraming nagpaparamdam kaya hindi namin kailangang mamirata," ang naging pahayag ng presidente ng Advanced Media Broadcasting Systems (AMBS) na si Ms. Maribeth Tolentino nang makausap namin via Zoom mediacon last Wednesday night.
Tulad ng unang sinabi ni Kuya Willie Revillame na tumatayong consultant ng ALLTV Network ni Sen. Manny Villar, ayaw nilang sabihin ng ibang network na namimirata sila ng mga talents kaya gusto nilang maayos muna ang paglipat ng mga artista mula sa ibang networks at walang legalities involved.
At sa dami nga raw ng nagpaparamdam, hindi naman na nila kailangang mamirata pa ng contract stars ng ibang network.
Maraming plano ang AMBS na hindi pa makapag-full blast ngayong taon at baka by January or February na raw dahil marami pa silang inaayos, although nag-soft launch na nga sila last Sept. 13 kasabay ng wedding anniversary nina Sen. Manny at Sen. Cynthia Villar.
Aminado naman si Ma'm Maribeth na marami pa silang dapat i-improve at isaayos sa kanilang programming at technical side dahil nanganganay pa sila at hindi naman talaga ganu'n kadaling mag-start ng isang giant network.
At dahil nga kulang pa sila sa mga shows, kinumpirma rin ni Ma'm Maribeth na open sila for collaboration with different production outfits at maging sa ibang network na gustong mag-provide sa kanila ng content tulad na lang ng ABS-CBN.
Although, with ABS-CBN, depende pa rin naman sa mga shows at content ang magiging collaboration nila dahil may mga kailangan nga raw sunding guidelines from NTC lalo't may mga isyung kinakaharap ngayon ang Kapamilya Network.
Kung matatandaan, magko-collab sana ang TV5 at ABS-CBN pero hindi nga natuloy dahil sa ibang legal matters.
So, sa part ng AMBS, magiging maingat nga naman sila sa bagay na 'yun.
Basta sa ngayon, happy sila sa kanilang mga unang contract stars na nakuha at naniniwala silang assets ang mga ito lalo na sina Kuya Willie, Toni Gonzaga, Anthony Taberna, Ciara Sotto at Mariel Rodriguez.
Marami pang kasunod at abangan na lang.





Comments