TV host, kaya nagsarili na… FB SHOW NINA CRISTY, LOLIT AT MR. FU, NALULUGI NA KAYA TSINUGI
- BULGAR
- Mar 8, 2022
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 8, 2022

Hindi lang sa Take It Per Minute… Me Gano’n nagbitiw si Nanay Cristy Fermin bilang isa sa mga hosts kasama sina Mr. Fu at Manay Lolit Solis kundi pati na rin sa pinagsusulatan niyang pahayagan na ang editor ay ang siya ring line producer ng online show.
“Naging batas na namin sa buhay na kapag hindi na kami masaya ay lumalabas na kami. Sa lahat ng aspeto ‘yun. Sa pakikipagrelasyon, sa pakikipagkaibigan, sa pakikipagtrabaho.
“Hindi namin pahihirapan ang aming sarili na magtrabaho sa isang kapaligirang hindi na namin gusto. Sa mga taong sumira na sa aming tiwala. Sa mga taong walang pagpapahalaga sa isang magandang samahan.
“Miyerkules nu’ng nakaraang linggo ay bumitiw na kami sa Take It, Per Minute… Me Gano’n na tatlong taon naming pinagsamahan nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu.
“Sumulat na kami kay Mr. Miguel Belmonte, idinetalye namin sa inirerespeto naming boss ang mga dahilan kung bakit kinailangan na naming magpaalam sa digital show, naintindihan kami ni Sir Miguel.
“Walang kinalaman sina Manay Lolit at Mr. Fu sa pagbibitiw namin, pinanghihinayangan namin ang tatlong taon na pinagsaluhan namin na pare-pareho naming inalagaan, pero kailangan naming isuko.
“Naghahanda na kami nu’ng nakaraang Martes nang biglang pumasok si Salve Asis, line producer ng TIPMMG, 'May bad news ako sa inyo, last day na natin ngayon. Minemohan na ako kagabi ng Sales, nalulugi raw ang company dahil sa pandemic, ngayon pa lang bumabawi.
"'Kung gusto n’yong ituloy, humanap kayo ng producer,' diretsong sabi ni Salve na ikinagulat namin ni Manay Lolit.”
Tulad nga ng sinabi ni ‘Nay Cristy ay naging batas na niya sa buhay na umaalis kapag hindi na siya masaya sa katrabaho.
Anyway, mapapanood pa rin si Nanay Cristy sa online platform na Showbiz Now Na sa YouTube channel at kasama niya rito sina Romel Chika at Morly Alinio na matagal niyang kolumnista at anak-anakan noong kasagsagan ng Mariposa Magazines.
Base sa FB page ng kanang kamay ni ‘Nay Cristy na si Japs Gersin, ito naman ang mababasa…
"SHOWBIZ, NOW NA!
“May You Tube Channel na po kami. Para sa mas maiinit na chika ay huwag n’yo pong kaligtaang i-like, i-share at i-subscribe ang Showbiz, Now Na!
“Ikalembang n’yo lang po ang notification bell para malaman n’yo kapag meron na kaming bagong chika kasama ang aming mga anak-anakang chikadora na sina Morly Alinio at Romel Chika.
"Pakiabangan din po ang gagawin naming one-on-one interview sa mga personalidad na kontrobersiyal at pinag-uusapan.
“Ang lahat po n’yan ay matututukan n’yo sa Showbiz, Now Na! by: CRISTY S. FERMIN
“PS: Pls. abangan ang announcement, kung kailan i-UP ang channel. Coming very, very soon!"





Comments