Tuwing may kalamidad, missing in action si P-Duterte?!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 14, 2020
MAGKA-PART 3 KAYA ANG “#NASAANANGPANGULO?”—Nang hindi nakadalo si P-Duterte sa gov’t. briefing bago manalasa ang Bagyong Rolly noong October 31, 2020 ay nag-trending sa social media ang “#NasaanAngPangulo?” at nang hindi agad nakapagresponde ang Duterte gov’t. sa mga kababayang na-trap ng baha dulot ng pananalasa ng Bagyong Ulysses ay nagkaroon ng part 2 ang “#NasaanAngPangulo?” sa social media.
Dahil may paparating pang bagyo bago matapos ang 2022, eh, magkaroon kaya ng part 3 ang “#NasaanAngPangulo?” Abangan!
◘◘◘
TUTULUG-TULOG YATA SA PANSITAN SI ROQUE SA PANAHON NG PANANALASA NG TYPHOON ULYSSES—Para kay Presidential spokesman Harry Roque, kalokohan lang ng oposisyon ang “#NasaanAngPangulo?”.
Tutulug-tulog yata sa pansitan si Roque kaya hindi niya alam o hindi niya nakita ang mga nag-iiyakang kababayan na humihingi ng tulong sa gobyerno na i-rescue sila dahil na-trap na sila ng baha sa loob at bubong ng kanilang bahay, period!
◘◘◘
ASEC. NG OCD, IMBES NA MAAWA, SINISI PA ANG MGA BIKTIMA NG BAHA—Ayon kay Asec. Casiano Monilla ng Office of Civil Defense (OCD), kung sumunod lang agad sa panawagan ng mga LGU (local government units) ang mga residente sa mga mababang lugar ay hindi dapat sila na-trap ng baha.
Pambihirang gov’t. official ‘to, imbes na magpakita ng awa sa mga biktima ng baha, eh, sinisi pa, pwe!
◘◘◘
PROMISE NI P-DUTERTE SA MGA BIKTIMA NG BAGYO, HUWAG SANANG MATULAD SA BOLADAS NA PROMISE SA MGA BIKTIMA NG TAAL VOLCANO—Matapos mag-aerial inspection sa mga lugar na binaha dulot ng Typhoon “Ulysses”, nag-promise si P-Duterte na bibigyan niya ng tulong-pinansiyal ang mga typhoon victims na nawalan o nasiraan ng bahay dulot ng baha na dala ng bagyo.
Sana ay totoo ang promise na ‘yan ni P-Duterte at hindi boladas tulad sa pabidang pangako ng pangulo noong Pebrero 6, 2020 na bibigyan ng gobyerno ng pabahay ang may 8,000 pamilyang nasiraan ng bahay dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal, pero sa budget hearing sa Senado noong October 21, 2020 ay umamin ang National Housing Authority (NHA) na zero o walang inilaang pondo ang Duterte gov’t. para sa pabahay ng mga Taal volcano victims, saklap!





Comments