top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tutukan natin ang ‘golden rice’

BULGAR
Jun 13, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 13, 2022


Noong nakaraang taon ay itinanghal ang mga Pilipinong magsasaka na unang nakatuklas ng klase ng palay na kargado ng nutrients na tutugon sa nararanasang malnutrisyon ng kabataan sa Pilipinas na aprubado ng mga eksperto sa iba’t ibang bansa.


Tinawag nila itong ‘Golden Rice’ na masusing binuo ng Department of Agriculture-Philippine Rice Institute (DA-PhilRice) sa pakikipagtulungan ng International Rice Research Institute (IRRI) upang matiyak ang karagdagang dami ng beta-carotene na kalauna'y nagiging Vitamin A.


Lumalabas na isa sa bawat limang bata na mula sa mahihirap na komunidad sa bansa ay nakararanas ng Vitamin A deficiency (VAD) na nakaaapekto sa tinatayang 190 milyong bata sa buong mundo—ang naturang kondisyon ay karaniwang sanhi ng pagkabulag at paghina ng immune system.


Ang Golden Rice ay genetically engineered upang makapagbigay ng hanggang 50 porsiyento ng estimated average requirement (EAR) na maging Vitamin A para sa mga bata na nakararanas ng VAD sa Pilipinas.


Ang bagong klase ng bigas na ito ay nakatanggap na ng food safety approvals mula sa mga regulators sa Australia, New Zealand, Canada at United States of America, ngunit ang Pilipinas ang kauna-unahang nag-apruba ng commercial cultivation.


Kaya natutuwa tayong mabalitaan ang DA-PhilRice-5 ay nagsisimula na ng kanilang produksyon ng mga buto at butil ng ‘Golden Rice’ sa lalawigan ng Catanduanes.


Ayon kay Dr. Victoria Lapitan, DA-PhilRice Ligao town station director, ang Catanduanes umano ang isa sa pitong probinsiya na napili sa buong bansa para bigyan ng pagkakataon na masubukan ang programa sa Golden Rice.


Sa Luzon ay ang Quirino at Catanduanes ang napili; Sa Visayas ay ang Antique at Western Samar at sa Mindanao naman ay ang Agusan Del Sur, Lanao Del Norte at Maguindanao upang matiyak na kahit saang bahagi ng bansa ay posible ang programang nabanggit.


Ang Catanduanes ay kilala bilang rice surplus-producing province, ngunit base sa 2015 updating survey ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute matindi pa rin ang kinahaharap na problema sa nutrisyon sa naturang lalawigan.


Kumbaga tapos na ang pag-aaral at natuklasan na ang solusyon, ang kailangan na lamang ay matiyak na magkaroon ng Golden Rice sa mga pamilihan, abot-kaya ang halaga at maikalat sa buong bansa ang nutritious rice na ito sa lahat ng pagkakataon.


Sa ngayon ay tanging ang PhilRice-5 lamang ang abala sa pagtugon ng lahat ng pangangailangan ng Region 5 at Region 8 na sinisimulan kung paano mapapasigla ang pagtatanim ng Golden Rice.


May mga tukoy na magsasaka lang kasi sa ngayon ang nakatanggap ng libreng palay ng Golden Rice at dahil sa magandang layunin ng PhilRice-5 ay posibleng mas maikalat nila ito sa buong bansa sa mas mabilis na panahon.


'Yung mga pinili kasi magsasaka ay nakatakda nang itanim ang Golden Rice ngayong panahon ng tag-ulan at ang bawat 40-kilo ng butil ng palay ng Golden Rice ay sapat na para sa isang hektaryang lupa.


Ang nakakatuwa sa Golden Rice, wala naman siyang pinagkaiba sa mga ordinaryong palay na itinatanim ng mga magsasaka dahil kailangan lamang ng 108 hanggang 110-araw matapos itanim ay maaari nang anihin.


Ang bawat isang hektrayang irrigated land na tataniman ng butil ng Golden Rice ay maaaring umani ng humigit-kumulang sa 3.5 tons ng palay at dahil sa sobrang hilig ng mga Pinoy sa kanin ay magandang hakbang ito para sa kalusugan ng bawat Pilipino.


Sa ngayon ay hindi pa mataas ang kaalaman ng marami nating kababayan hinggil sa Golden Rice at ang isinasagawang seed production na pinamamahalaan ng PhilRice sa Ligao at Samar stations ay para sa may pitong hektarya ng rice farm pa lamang.


Makabubuting tutukan at buhusan ng pondo ng DA ang mga magsasaka na magtatanim ng Golden Rice upang hindi nila ito ipagbili sa iba at sa halip ay maipamahagi sa mas maraming magsasaka sa buong bansa upang mas marami ang makinabang.


Marami tayong mga kababayan ngayon na dahil sa sobrang hirap ng buhay ay kanin at instant noodles na lamang ang kinakain at walang nakukuhang sustansiya maliban sa carbohydrates pero dahil sa Golden Rice ay matutugunan na ang malnutrisyon sa bansa.


May mga insidente kasi sa mga sobrang hirap na lugar na kanin lang at tubig na may asin o asukal ay nairaos na ang tanghalian o hapunan at nakangiti pang magkakasalo ng walang reklamo.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page