TUP, pakay ang 3rd win, iniligpit ang St. Clare
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 14, 2022

Hahanapin ng mga koponan ng Technological University of the Philippines ang ikatlong sunod na panalo sa pagpapatuloy ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Volleyball Tournaments for Women and Men ngayong Lunes sa Philippine Christian University Gym sa Maynila.
Haharapin ng Lady Grayhawks ang host PCU Lady Dolphins sa 9:30 ng umaga habang sasalang ang mga Grayhawks at Dolphins sa tampok na laro sa 2:30 ng hapon.
Bubuksan ang araw sa tapatan ng Our Lady of Fatima University Lady Phoenix at Enderun Colleges Lady Titans sa 8:00 ng umaga. Ang iba pang laro sa panig ng kalalakihan ay Enderun kontra Philippine National Police Academy sa 11:00 ng umaga at Our Lady of Fatima laban sa St. Clare College sa 1:00 ng hapon.

Umakyat sa kanilang ikalawang panalo ang Grayhawks matapos iligpit ang magiting na St. Clare sa limang set, 15-25, 25-21, 28-30, 26-24 at 15-10, noong Biyernes sa PCU.
Patungo na ang Saints sa tagumpay subalit napilay ang kanilang kapitan Liam Ricafranca at kinuha ng TUP ang pagkakataon na itala ang huling dalawang puntos at agawin ang mahalagang ika-apat na set.
Hindi nagpahuli ang Lady Grayhawks at winalis ang palaban na Lady Saints, 25-23, 25-21 at 25-19. Bumaba ang St. Clare sa 0-2 at huli sa limang koponan.
Sinimulan din ng PCU ang kanilang kampanya sa harap ng kanilang mga kamag-aral at binigo ng Dolphins ang hindi sumukong Philippine National Police Academy, 25-17, 25-23 at 27-25. Hindi pinalad ang Lady Dolphins at pinalubog sila ng Lady Phoenix, 25-10, 25-20 at 25-20.





Comments