top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

TUP Greyhawks, nanligpit, Enderun, nangwalis sa NAASCU

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 11, 2022
2 min read

Updated: Nov 23, 2022

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 11, 2022



Dalawang magkaibang panalo ang naitakas ng Technological University of the Philippines kontra sa Our Lady of Fatima University sa matagumpay na pagbubukas ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Volleyball Tournaments for Women and Men noong Miyerkules sa TUP-Taguig Gym.


Binuksan ng Lady Greyhawks ang aksyon pagligpit sa Lady Phoenix sa apat na set habang naging gitgitang limang set ang palitan ng Greyhawks at Phoenix sa panig ng kalalakihan.


“Excited lang ang mga bata,” paliwanag ni Coach Edgar Barroga na humawak sa dalawang koponan ng TUP. Maliban sa laro, nasaksihan din ang tagisan ni Coach Barroga kontra sa kanyang kapatid na si Don na coach ng Our Lady of Fatima.


Walang bigayan at walang paaralan ang lumayo ng todo sa limang set na may iskor na 19-25, 25-11, 26-24, 20-25 at 15-10. Para sa Lady Greyhawks, pinagpag nila ang mabagal na simula bago uminit para sa 25-22, 25-19, 16-25 at 25-19.


Sa ibang laro, winalis ng Enderun Colleges Lady Titans ang Saint Clare College Lady Saints, 25-15, 25-13 at 25-11. Gumanti sa ika-apat at huling laro ng Saints sa Titans, 25-4, 25-3 at 25-11.


Hahanapin ng TUP ang pangalawang panalo sa paglipat ng torneo ngayong Biyernes sa Philippine Christian University Gym sa Maynila. Haharapin ng Greyhawks ang Saint Clare College sa 9:30 ng umaga habang ang laro ng Lady Grayhawks at Lady Saints ay sa 2:30 ng hapon.


Bubuksan ng PCU ang kanilang kampanya sa pagsalubong sa guest team Philippine National Police Academy sa 9:30 a.m. at susundan agad ng Lady Dolphins laban sa Lady Phoenix sa 11:00 ng umaga. Ang pambungad na laro sa 8:00 ng umaga ay Our Lady of Fatima laban sa Enderun Colleges.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page