TUP at PCU, umangat sa NAASCU Volleyball Tourney
- BULGAR
- Nov 16, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 16, 2022

Lumipad patungo sa taas ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Women’s Volleyball Tournament ang Technological University of the Philippines Lady Grayhawks matapos ang ikatlong sunod na panalo noong Miyerkules kontra host Philippine Christian University Lady Dolphins, 25-18, 25-6 at 25-19 sa PCU Gym sa Maynila. Sa Men’s Division, bumawi ang PCU at inagaw ang solong liderato sa dating walang talong TUP, 25-19, 25-13 at 25-23.
“Pinaalala ko sa kanila ayusin ang depensa at service at hindi pa tayo tapos,” wika ni Coach Gilbert Ordon ng PCU. “Akala nila panalo na noong nakuha yung dalawang set.”
Nagising ang TUP at humataw palayo sa pangatlong set, 20-14, subalit hindi bumigay ang PCU sa harap ng kanilang mga kamag-aral. Perpekto ang Dolphins sa 2-0 habang bumaba ang Grayhawks sa 2-1.
Naitala ng Philippine National Police Academy ang unang tagumpay sa torneo at pinabagsak ang Enderun Colleges, 25-13, 25-10 at 25-9. “Naging panauhin sa aming intrams si (NAASCU President) Dr. Ernesto Jay Adalem at inanyayahan kami sa sumali at kinuha namin ang pagkakataon na makalaro ang ibang mga paaralan,” wika ni Coach Ryan Lumen.
Napulot ng St. Clare ang mahalagang panalo sa Our Lady of Fatima, 25-14, 25-19 at 25-20. Umakyat ang Saints sa 2-1 habang 1-2 ang Phoenix at apat lang sa anim sa Men’s ang tutuloy sa semifinals sa susunod na linggo.
Walang talo rin ang Enderun Colleges Lady Titans at iniligpit nila ang Lady Phoenix upang buksan ang aksyon, 25-5, 25-12 at 25-14. Dahil dito, handa na ang lahat para sa aabangang salpukan ng Lady Titans at Lady Grayhawks para sa liderato sa tampok na laban ngayong Miyerkules simula 1 p.m. sa PCU pa rin.





Comments