top of page
Search
  • BULGAR

Tunay na pagbabago tungo sa maginhawang buhay ng mga Pinoy

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 28, 2021



Noong Lunes, Hulyo 26, 2021 ay nagbigay ang ating Pangulo ng huling SONA ng kanyang katungkulan bilang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.


Ramdam ang sinseridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling SONA. Alam ng Pangulo na marami pa ang dapat gawin at nananatili siyang tapat na maisakatuparan ang kanyang mga pangako hanggang sa huling araw ng kanyang termino.


Sa kabila ng maraming nagawa ng administrasyon, the President will not “rest on his laurels”. Hindi pa siya nakukuntento dahil alam niyang marami pa siyang puwedeng gawin. Kaya mahalagang patuloy tayong magkaisa. Magtulungan para malampasan ang krisis at maibigay ang mas komportableng buhay sa bawat Pilipino.


Sa pagkakataong ito, nais nating purihin at pasalamatan ang Pangulo dahil sa kanyang walang humpay na serbisyo, walang pagod na pagbibigay ng totoo at pangmatagalang pagbabago para sa ikauunlad ng bansa, at sa walang hanggang pagmamahal sa mga Pinoy.


Sa ilalim ng kanyang liderato, naisakatuparan ang ating adbokasiya na mabigyan ng maayos, mabilis at epektibong serbisyong medikal ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng Universal Health Care Law at Malasakit Centers Act. Marami ring kabataan ang nabigyan ng bagong pag-asa dahil sa Free Tertiary Education sa mga kolehiyo at unibersidad. At sa ilalim naman ng Build, Build, Build program, natapos ang ilang proyekto, tulad ng LRT 2 East Extension, Metro Manila Skyway Stage 3, Clark International Airport, Sorsogon City Coastal Bypass Road at marami pang iba.


Marami pang punto ang inilatag ng ating Pangulo sa kanyang SONA, tulad na lamang ng matagumpay na paglaban sa NPA sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at paglalatag ng pundasyon sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa pagpasa ng Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Napabilis naman ang proseso ng gobyerno at pagsisimula ng negosyo sa pamamagitan ng Ease of Doing Business Act, pagtatatag ng Philippine Identification System Act o Philsys ID at Central Business Portal.


Sa patuloy na paglaban sa COVID-19, napabilis ang pagtatayo ng mga laboratoryo at naparami ang testing centers sa bansa; nakapagtayo ng daan-daang COVID-19 monitoring, quarantine at treatment facilities; at napaigting ang national vaccination program sa bawat sulok ng bansa, kasama na ang pagkakaroon ng sapat na bakuna na sunud-sunod na ang pagdating linggu-linggo para sa proteksiyon ng bawat Pilipino.


Kaya kaisa tayo sa panawagang magpabakuna at patuloy na sundin ang mga health protocols.


Marami ng plano ang inilatag ng Pangulo upang maibalik ang sigla ng ekonomiya sa bansa at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay. Magtulungan tayo para malagpasan ang COVID-19 bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa.


Sa pagsapit ng huling taon ng Duterte Administration, iisa lang ang sigurado tayo: babangon, uunlad at uusbong tayo. Naniniwala tayong mabilis nating makakamit ito kapag tayo ay nagbabayanihan at nagmamalasakit sa isa’t isa.


Ilaan natin ang ating kakayahan para mapagsilbihan at mapabuti ang kalagayan ng ating kapwa. Huwag itong haluan ng pulitika dahil iisa lamang ang ating pangarap — ang mabigyan ng magandang kinabukasan at komportableng buhay ang bawat Pilipino.


At pagkatapos naman ng SONA ni Pangulong Duterte, natamo ng Pilipinas ang pinakaunang Olympic gold medal. Nakikiisa tayo sa buong sambayanang Pilipino sa pagsaludo sa husay at galing ni Hidilyn Diaz! Ang kanyang pagsisikap, disiplina at tagumpay ay nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat, lalo na sa mga kabataang nagnanais na maging atleta rin na tulad mo. Mabuhay ka, Hidilyn Diaz, at ang lahat ng mga atletang Pilipino! Mabuhay ang ating pinakamamahal na bansang Pilipinas!


Nais nating ipagbigay-alam sa lahat ng ating atleta, na tulad ng ating pakikipag-ugnayan kay Hidilyn Diaz, ang inyong ay handang tumulong. Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, palaging bukas ang ating opisina sa inyong pangangailangan. Iisa lang ang hangarin natin at ‘yan ay ang magbigay ng karangalan sa ating bansa.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page