Tumaba, nawalan ng mga shows… MANILYN, AMINADONG NA-DEPRESSED
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 6, 2026

Photo: - FB Manilyn Reynes
Maraming fans ni Manilyn Reynes ang natutuwa sa pagiging aktibo niya sa telebisyon at pelikula. Sa kabila ng kanyang kaabalahan sa Pepito Manaloto (PM) at Born to Shine (BTS), tuluy-tuloy pa rin ang mga alok na pelikula at iba pang programa para sa kanya.
Hindi akalain ni Mane na muling aarangkada ang kanyang showbiz career. Dumaan siya sa isang panahon ng matinding depresyon dahil sa kawalan ng proyekto. Naging problema rin niya noon ang kanyang chubby figure at inakala niyang iyon ang dahilan kaya nabawasan ang kanyang mga shows at pelikula.
Pero nagbago ang lahat nang dumating sa kanya ang sitcom na PM, kung saan gumaganap siya bilang misis ni Pepito na ginagampanan ni Michael V..
Well, 16 na taon nang napapanood sa ere ang Pepito Manaloto tuwing Sabado nang gabi. At dahil sa ika-16 anibersaryo nito, espesyal na mga episodes ang handog nila sa kanilang mga viewers.
DAHIL sa mga kaguluhang kinasasangkutan ng mga senador, dismayado ang mga fans at supporters ni Sen. Robin Padilla. Mabuti pa raw noong artista pa lang siya, tahimik ang kanyang buhay. Pero nang pumalaot siya sa pulitika at namarkahang DDS (diehard Duterte supporter), nagbago na ang mundo ng binansagang “Bad Boy of Philippine Cinema”.
Dahil sa ilang kontrobersiyang kanyang kinasangkutan, mistulang nadala ni Robinhood sa Senado ang kanyang pagiging bad boy. Parang mga eksena sa action movie ang mga nagaganap sa kanyang paligid.
Pero umaapela si Sen. Robin sa bansag sa kanya ngayong ‘Bad Boy ng Senado’. Aniya, sa pelikula lamang ito nararapat dahil sa mga role na kanyang ginagampanan.
Well, hindi niya itinatanggi na malapit siya sa pamilyang Duterte. Malaki ang utang na loob niya sa mga ito at handa niyang panindigan ang pagtatanggol sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit batikusin pa siya ng marami.
NGAYON ang premiere telecast ng programang The People Have Spoken (TPHS) hosted by Heart Evangelista at Sparkle artist Sean Lucas.
Kakaiba itong game show na tiyak na kaaaliwang panoorin ng lahat.
Nag-enjoy ang mga hosts ng Unang Hirit (UH) na sina Arnold Clavio, Susan Enriquez, Suzi Entrata, Lyn Ching at Mariz Umali nang sumalang sila sa TPHS. Kakaibang experience ito para sa mga hosts ng naturang morning show.
Nag-enjoy din sina Heart at Sean sa pagho-host ng programa. Magaan para sa kanila ang format ng game show, lalo na kay Heart na excited sa kanyang bagong hosting assignment.
Dalawa ang shows ni Heart na napapanood tuwing Sabado, ang Heart’s World (HW) at The People Have Spoken. At kahit busy sa kanyang showbiz career, nabibigyan pa rin niya ng panahon ang pagde-design ng mga alahas na bago niyang kinahihiligan.
Samantala, hinahanap at inaabangan pa rin si Heart Evangelista sa kanyang pagrampa sa mga fashion events sa Paris at New York. Paborito kasi siya ng mga sikat na fashion designers at photographers.
PINATUNAYAN ng comedienne-aktres na si Rufa Mae Quinto na kaya niyang tumayong mag-isa at itaguyod ang anak nila ng yumaong mister na si Trevor Magallanes.
Nang mabiyuda siya, hindi siya namili ng mga proyektong gagawin basta legal at marangal ang paraan. Ang kanyang pagiging kikay at down-to-earth ay nakatulong upang muling sumigla ang kanyang showbiz career.
Naging visible siya sa mga TV shows at madalas ang kanyang guestings. Paborito rin siyang i-feature ng mga celebrity vloggers at content creators.
Sa kabila ng pagpanaw ng kanyang mister, sinikap niya na magpakatatag at harapin ang mga pagsubok. Patuloy siyang lumalaban para sa kanyang anak.
Nagpapasalamat si Rufa Mae Quinto na may mga tunay siyang kaibigang sumusuporta sa kanya sa panahon ng kanyang pagluluksa. Idinadaan na lamang niya sa comedy ang anumang kanyang pinagdaraanan ngayon.





Comments