Tuluy-tuloy ang pamimigay ng kotse, motorsiklo at cash, pa-birthday pa more!
- BULGAR
- Sep 28, 2022
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 28, 2022
Noong Setyembre 25, araw ng Linggo ay ipinagdiwang ko ang aking ika-56 kaarawan na sa tingin ko ay isa sa pinakamasayang selebrasyon sa aking buhay dahil sa nakapagpasaya ako ng ilan sa mahihirap nating kababayan.
Mula 2019 ay palagi ko nang isinasagawa ang ganitong pamamahagi, lalo na sa tuwing sasapit ang aking kaarawan upang higit na mas maging memorable ang pagdiriwang kumpara sa pagbuhos ng malaking gastos sa magarbong handaan.
Halos isang linggo bago ang aking kaarawan ay nagsimula na ako sa taunang aktibidades na aking isinasagawa, tulad ng bloodletting activity na tinawag nating “DUGONG ALAY, PANDUGTONG BUHAY”, na isinagawa sa Strike Gym sa Bacoor City sa tulong ng mga sponsor, tulad ng Frabelle Foods, Sovit Cee at iba’t ibang Rotary Clubs.
Setyembre 24 ay nagkaroon naman ako ng pagdiriwang na matagal ko ring hindi naisagawa dahil sa kasagsagan ng pandemya na ginanap sa aming farm sa Silang, Cavite na dinaluhan ng aming mga kaanak, malalapit na kaibigan sa showbiz at pulitika.
Nais ko ngang pasalamatan si Vice-President Sara Duterte dahil sa personal siyang dumalo sa aking kaarawan at kasama ng ilang Senador, Congressmen at mga pulitiko mula sa iba’t ibang lalawigan na nakisaya sa aking pagdiriwang.
Bagama’t simple ang ginanap na selebrasyon na nagsimula ng alas-4: 00 ng hapon ay ramdam na ramdam ko ang pagmamahal ng maraming kaibigan na buong gabing nagdaratingan na natapos ilang oras matapos kong hipan ang isang may sinding kandila na birthday cake.
Setyembre 25, mismong kaarawan ko ay maaga akong nagising at naghanda dahil sa mas nananabik akong makapiling ang ilan sa ating mga kababayan na gustong sumali sa ‘ALYAS POGI, BIRTHDAY GIVEAWAY’ na isinagawa bandang alas 4 na ng hapon.
Marami ang nag-abang at tumutok sa YouTube at Facebook, na kahit nagsisimula nang umihip ang lakas ng hangin dulot ng nagdaang Bagyong Karding ay hindi napigil ang napakasayang sandali habang namimigay kami ng mga papremyo.
Kumpleto ang aking pamilya, ang maybahay kong si Lani Mercado-Revilla, lahat ng aking mga anak, kani-kanilang asawa at aking mga apo ay dumalo sa naturang programa at halinhinan kaming nagho-host na lalo pang nagbigay sigla para patuloy na mag-abang ang mga sumusubaybay.
Sa unang bahagi pa lamang ng programa ay namigay na agad ng motorsiklo, maraming tablet at sunud-sunod na tig-iisang libo sa mga napiling lumagda sa Google form at nakatutok sa panonood sa naturang selebrasyon na umabot lamang sa 450 katao ang nabiyayaan na dapat ay 1,000 indibidwal.
Nasundan ito ng Cake O Cash na pipiliin lamang ang kulay ng contestant at magkakaroon na sila ng tsansa na makuha ang perang laman ng cake o ang halagang inaalok at may nanalo ng motorsiklo, P30,000 at iba pang halaga.
Masaya rin ang naging resulta ng Amazing Dart Balloon na may nanalo rin iba’t ibang halaga ng cash at sa pagitan ng bawat palaro ay tuloy naman ang pamamahagi ng tablet, P1,000 at motorsiklo na idinaraan sa ikot ng tinatawag naming ‘Agimatizer’ na siyang tumatapat sa mapalad na mananalo.
Sa kalagitnaan ay pinaikot na namin ang roleta upang matukoy kung saan rehiyon pipili ng bobolahing mananalo para makuha ang isa sa dalawang kotse na pinagtulung-tulungang bilhin ng aking mga kapatid at malalapit na kaibigan na nag-sponsor sa halip na magbigay pa ng regalo sa akin.
Unang napili si Maricris Liyangna mula sa Region II, Cagayan Valley na dapat sana ay mananalo ng brand new Suzuki na kotse, ngunit hindi siya sumasagot sa tatlong ulit na tawag.
Kaya si Tomas Gaudiano III ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang unang nanalo ng kotse na kulay gray na hindi umano matawagan sa messenger dahil walang load, kaya binigyan pa ng load para makausap lamang namin ng live.
Ilang saglit lang ay isinunod naman naming pinaikot ang ‘Amazing Roleta’ na may lima katao rin ang nagwagi ng P100,000, P50,000, P30,000 at ipinamahagi na rin ang iba pang motorsiklo.
Kasunod nito ay isinagawa naman ang POGI 56 na Helmet o Cash na bawat helmet ay may kaukulang letra na pipiliin kung Helmet o Cash na mayroon ding limang nanalo ng P100,000, P50,000 at iba pa.
Sa gitna ng selebrasyon ay lumalakas na ang hangin, kaya mas pinabilis na namin ang programa at muli ay pinaikot namin ang roleta para sa mananalo ng isa pang kotse at isang Dohlen Joy Delrosario ng Cavite City ang lumabas sa ‘Agimatizer’, ngunit hindi rin siya sumasagot sa tatlong ulit na tawag.
Nasundan pa ito ng isang dapat mananalo ng kotse na si Maria Christina Salar ng Rodriguez, Rizal, ngunit hindi rin ito sumagot sa tatlong tawag kaya minabuti naming paikutin muli ang roleta.
At dito ay mapalad na sumagot na si Sherlyn Foliente ng Imus, Cavite na halos himatayin sa tuwa matapos niyang malaman na nanalo siya ng brand new Suzuki na kulay pula at ako mismo ang nagdeliber sa kanyang bahay ng napanalunan niyang sasakyan.
Nais ko ring magpasalamat kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos (P-BBM) dahil nagtapos ang programa ay nagbigay ito ng pagbati sa aking kaarawan na labis na ikinatuwa ng buo kong pamilya.
Dahil sa lumalakas na ang hampas ng hangin dahil sa bagyo ay naobliga kaming tapusin na agad ang programa at marami pang papremyo ang hindi namin naipamahagi, tulad ng 5 pang motorsiklo, mga laptop, tablets, E-bikes, hindi rin naipamigay ang tig-1,000 para sa 550 katao pa.
Basta marami pang papremyo sa iba pang games na hindi na kinayang ipamigay dahil sa nagsisimula na ngang manalasa si Bagyong Karding, pero pangako na isasaayos namin ang lahat at susunod ay baka madagdagan pa.
Doon naman sa tatlo pang dapat nanalo na ng kotse pero hindi sumasagot sa tawag ay bibigyan ko pa rin kayo ng tig-30,000 bawat isa para hindi naman kayo malungkot. Maraming salamat sa lahat ng tumutok, hanggang sa susunod na giveaway marami pang natira!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments