Tulungan daw ang showbiz industry… POKWANG, KINALAMPAG ANG MGA KAPWA ARTISTANG PULITIKO

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 22, 2026

Photo: IG _itspokwang27
Sobrang tuwa ng komedyanang si Pokwang dahil ipapalabas nationwide ang pelikula niyang 2 Valid IDs na top grosser sa nakaraang 22nd Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2026.
Lahat kasi ng nakapanood ng 2 Valid IDs ay magaganda ang reviews lalo’t hinirang na Best Actress si Marietta Subong a.k.a. Pokwang, kaya naging word of mouth ito na dahilan ng pagiging top grosser.
At dahil limitado lang ang araw ng Cinemalaya Film Festival ay marami pa ang hindi nakapanood ng pelikulang idinirek ni Ma-an L. Asuncion-Dagnalan at ipinrodyus din nito kasama si Geo Lomuntad distributed ng Solar Films na mapapanood na sa Oktubre 14.
Sabi ni Marietta (pangalang gamit ni Pokwang kapag drama ang pelikula), realidad na nangyayari sa buhay ng tao araw-araw ang kuwento ng 2 Valid IDs na nararanasan kaya siguro maraming naka-relate rito lalo na kapag sa government agencies ka kukuha ng mga dokumentong kakailanganin sa kasagsagan ng emergency.
Kaya natanong si Marietta kung ano’ng government agencies ang gusto niyang imbitahan na manood ng 2 Valid IDs.
“Silang lahat na! Ha, ha, ha!” tumawang sagot ni Marietta.
Dagdag pa nito, “May eksena kami sa NBI (National Bureau of Investigation), COMELEC (Commission of Election), basta marami. Haha!”
At sa nakaraang Cinemalaya Film Festival ay isa raw si Senator Risa Hontiveros sa mga nanood kasama ang staff nito. Binati nga raw ng senadora si Pokie pero dahil abala rin ang huli sa kaeestima sa mga bisitang nanood ay hindi na sila nagkausap.
May panawagan ang aktres sa gobyerno para lalong mapaganda ang mga indie films na inilalaban sa ibang bansa na bigyan ng budget tulad ng ginagawa ng mga bansang South Korea, Japan, Canada at iba pa.
“Bigyan n’yo kasi ng budget. Sana, bigyan tayo ng suporta tulad ng ibang bansa, Korea. Grabe ang suporta nila sa pelikula nila.
“May mga kapwa tayo artistang nasa puwesto, baka naman puwedeng tulungan n’yo po ang ating industriya since dito rin naman kayo nagsimula. Sana, makaisip kayo ng maipasang batas para masuportahan po ang ating industriya. Kasi kung may budget, maganda talaga ang maibibigay natin, ‘di ba? Kasi ‘pag (walang budget), tinitipid kung ano’ng meron lang, pero kung may suporta tayo mula sa gobyerno, especially sa mga kapwa nating artista na may posisyon sa gobyerno, baka naman po tulong lang. Salamat po,” seryosong pahayag ni Marietta.
Naniniwala naman daw siyang sinusuportahan din ng mga kababayang Pinoy ang local films, pero siyempre, depende rin sa kakayahan ng bawat manonood lalo’t mahal ang bayad sa sinehan. Kaya nananawagan siya sa gobyerno na sana ay may suporta.
“Tulungan po natin ang mga producers, artists, filmmakers lalo na ‘yung mga a-attend sa ibang bansa (film festivals) na kahit konting dagdag lang (pamasahe) kasi hindi lang naman po kami ang dala namin kundi ang buong bansa natin.
“Nare-recognize lang ang artista o pelikula kapag nanalo na. Bansa natin ito, siyempre, napag-uusapan din ito sa ibang bansa na ‘Uy, ang gagaling ng mga Pilipino.’ Siyempre, makakatulong ito sa economy natin at malay mo, gagawa sila rito ng pelikula at marami rin silang mabibigyan ng trabaho rito,” esplika ng aktres.
Inamin din ni Marietta Subong na natuwa siya nang magkaroon ng isang araw na National Cinema Day na ang bayad sa ticket ay P100 lang kaya talagang dinumog at punumpuno ang lahat ng sinehan na matagal nang hindi nangyayari bago pa mag-pandemic.
“Naiintindihan ko naman po both sides na mahal ang bayad kasi sa parte ng producers, ang mahal gumawa ng pelikula, maraming taong binabayaran at mga gagamitin sa shoot, mga gamit pa. Sa parte naman ng theater owners, mahal din ang binabayarang kuryente, pagpapaayos ng sinehan para maganda at pasukin ng tao at mga staff na binabayaran din, kaya pareho ko pong naiintindihan,” katwiran pa ng aktres.
Samantala, ang ganda ng taong 2026 kay Pokwang dahil tatlong pelikula ang ginagawa o nagawa niya at may show pa siya sa GMA-7 kung saan hanggang June 2027 pa ang kontrata niya at hoping na i-renew siya.
Bukod kay Marietta o Pokwang ay kasama rin sa 2 Valid IDs sina Joey Marquez, Zaijian Jaranilla, at Meryll Soriano.





Comments