top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Tuloy na tuloy na ang laban sa 2022 eleksiyon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 1, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | June 01, 2021



Nahahati na ang PDP-Laban.


Hindi sila takot sa “left hook”!


◘◘◘


KAPAG walang malinaw na ideolohiya ang Partido ay talagang mabilis itong mabalisawsawan.


Ibig sabihin ng balisawsaw ay hindi maluluto nang maayos ang kanin!


◘◘◘


SA pagluluto ng kanin, dapat may eksaktong tubig pero dapat ay “mainin” muna ito bago kainin.


Ang inin ay kasingkahulugan ng “nawnaw” o kumbaga sa malabong tubig, dapat mapasailalim muna ang burak at umibabaw ang malinaw na tubig at latak—bago ito mapakinabangan!


◘◘◘


NANG mawala si dating Senate President Nene Pimentel ay nalihis na o nawalan ng ideolohiya ang PDP-Laban.


Nagbalik ang PDP-Laban sa tradisyunal na political party o simpleng fly-by-night political party na nakasandal sa personalidad imbes na nakapundasyon sa ideolohiya o plataporma de-gobyerno!


◘◘◘


DAHIL traditional political party, ang organisasyon o liderato ng PDP-Laban ay nakasandal sa 2 personalidad sa kasalukuyan.


Isang paksiyon ay kontrolado ng amuyong ni P-Digong at ang ikalawang paksiyon ay nasandal sa tandem nina Pacquiao at ex-Senate President Koko Pimentel!


◘◘◘


SA orihinal na konsepto at pago-organisa ni Sen. Nene, bago tanggapin bilang miyembro ng PDP-Laban ay dapat sumailalim muna sa serye ng mga workshop-seminar-orientation.


Ito ay ang pagpapakilala o paglilinaw kung anong linya, mithiin, direksiyon o plataporma de-gobyerno ang paninindigan ng mga miyembro!


◘◘◘


SA malalim na ideolohiya, ikinonsepto ni Nene ang PDL-Laban pero dahil pumasok dito ang mga pusakal na pulitiko, nababoy ito nang todo.


Mula sa isang sampay-bakod na partido, bigla naghunos ang PDP-Laban nang gamitin ito ni P-Digong bilang pansalba sa teknikalidad sa pagkandidato noong 2016!


◘◘◘


KAHIT walang ideolohiya at hindi dumaan sa proseso, ipinagamit kay P-Digong ang PDP-Laban upang takasan ang rekisitos ng Comelec kung saan natapos na ang deadline sa pagsusumite ng COC.


Sa teknikalidad ng substitution, ginamit ni P-Digong sa “election document” ang PDP-Laban pero masuwerteng nagwagi!


◘◘◘


NAGKAROON ng kamandag ang PDP-Laban kung saan nagkaroon pa sila ng bonus nang sorpresang maging senate president si Sen. Koko kahit nagsosolo siyang “PDP-Laban” sa Senado.


Ngayon, pinag-aagawan ang titulo ng PDP-Laban sa gitna ng preparasyon sa 2022 election!


◘◘◘


NAPASUKAN ang PDP-Laban ng mga kapanalig ni P-Digong at nahalo ito sa grupo ni Pimentel.


Nauna dito, humiwalay na rin sa PDP-Laban ang dating secretary general na si dating Speaker Pantaleon Alvarez.


Kung susumahin, marami ring naging biyaya ang PDP-Laban kahit naglaho ang ideolohiya!


◘◘◘


SA ngayon, hindi malinaw kung saan patungo ang PDP-Laban.


Pero, ang kanyang hinaharap ay nakasandal sa dalawang personalidad—kay P-Digong at kay Pacquiao, pero hindi sa dapat sanay ay malinaw na ideolohiya ng pagbabago sa lipunan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page