Tuloy na ang CTG-Pilipinas 3x3 President's Cup ng TM
- BULGAR

- Oct 5, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | October 5, 2020

Tuloy na sa Oktubre 21 ang pagbubukas ng 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM sa loob ng Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna. Matapos ang halos isang taon ng paghihintay, todo ganado na ang 12 koponan na magpasikat sa kanilang unang sabak bilang isang ganap na ligang propesyonal.
Pagkatapos ng unang yugto, maglalaro ang lahat ng tatlo pang yugto sa Oktubre 23, 25 at 27. Magwawakas ang President’s Cup sa Grand Finals sa Oktubre 30 kung saan isang milyong piso ang naghihintay para sa pangkalahatang kampeon.
Nagbago ng patakaran ang Chooks 3X3 matapos tanggihan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang kanilang unang panukala na magsimula noong Oktubre 2. Sasailalim sa pagsusuri ang lahat ng atleta, opisyal at staff ngayong Oktubre 8 at 9 at susundan ito ng isa pang pagsusuri bago pumasok sa Inspire sa Oktubre 14 at bawal na lumabas hanggang matapos ang torneo.
Magkakaroon ng preseason tournament sa Oktubre 19. Daraan sa isa pa at huling pagsusuri ang lahat bago mag-uwian at kailangan mag-quarantine ng 14 na araw.
Samantala, nakatanggap ng malaking tulong sa kanilang kampanya ang Nueva Ecija Rice Vanguards matapos makuha ang serbisyo ng magkapatid na sina Joe, Javi at Juan Gomez de Liano. Ituturing na “guest players” ang tatlo kaya hindi apektado ang kanilang plano na maglaro muli para sa University of the Philippines sa susunod na UAAP.
Ang iba pang mga kasapi ng Rice Vanguards ni Vicente “Bong” Cuevas III ay ang mga beteranong sina Gab Banal, Jai Reyes at Tonino Gonzaga. Malaking tanong ngayon para kay Coach Charles Tiu kung sinong apat sa anim ang pipiliin niya na palaruin sa bawat yugto ngunit hindi malayo na mapanood ng sabay ang tatlong Gomez de Liano sa korte.
Maliban sa Nueva Ecija, kasali rin ang Palayan City Capitals ni punong-siyudad Rianne Joson-Cuevas bilang pangalawang kinatawan ng lalawigan. Nakalista sa Capitals sina Renz Palma, Bobby Balucanag, Clark Derige, Maclean Sabellina at Edzel Mag-isa.
Ang iba pang mga kalahok na koponan galing Luzon ay Big Boss Cement-Porac Green Gorillas, Sta. Lucia Realty-Pasig at Bicol Pro 3X3. Mula sa Mindanao at Visayas ang Family’s Brand Sardines-Zamboanga, Uling Roasters-Butuan, Sarangani Marlins, Petra Cement, Pagadian Rocky Sports, Zamboanga Valientes MLV at Master Sardines-Bacolod.





Comments